Buslig QCPD Director P/BGen Melecio Buslig

Chief ng QCPD, CIDU, 2 pang QC parak sibak!

18 Views

May kasamang ulat ni Alfred Dalizon

SINIBAK sa puwesto ang hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) matapos umanong mabisto na pinalabas ng kulungan ang isang babaeng preso at pinag-staycation sa isang 5-star hotel sa lungsod nitong Huwebes Santo.

Ang pagkakasibak kay CIDU chief P/Maj. Dondon Llapitan ay kinumpirma mismo ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Major General Anthony Aberin sa isang press conference sa Camp Karingal nitong Martes.

Kasamang nasibak ni Llapitan ang hepe ng Warrant Section ng CIDU na si P/Lt. Dexter Bernadas, at si P/SMS Danilo Pacurib, chief custodial ng nasabi ring unit.

Napag-alaman na una nang sinibak at dinis-armahan ni QCPD Director P/BGen Melecio Buslig si Llapitan, Bernadas at Pacurib matapos makatanggap ng impormasyon na nakalabas ng kulungan ang female detainee at nag staycation sa isang 5-star hotel sa Quezon City.

Ang nasabing detainee ay nakadetine sa QCPD-CIDU dahil sa kasong four counts of qualified theft, na walang nirekomenda na piyansa.

Nakipagkita umano ang babaeng preso sa kaniyang pamilya sa isang hotel sa Quezon City kung saan ineskortan pa ito ng dalawang pulis.

Kasunod nito, nasibak din sa puwesto si Buslig epektibo nitong April 21, dahil sa insidente na sinundan pa ng viral video ng isa pa niyang pulis na nakilalang si P/SSg. Colonel Marzan nagpapakita ng pang-aabuso, harassment, at pagpasok sa tatlong bahay ng walang bitbit na warrant nitong Lunes ng madaling araw.

Arestado na si Marzan na umanoy lasing nang magsagawa ng illegal na operasyon.

Pansamantalang pumalit kay Buslig si P/Col Randy Glen Silvio, ang Deputy District Director for Administration.

Sa ngayon, ayon kay Silvio, patuloy ang kanilang imbestigasyon kung may involve na pera hinggil sa pagpapalabas ng babaeng preso habang patung-patong na kaso naman ang inihain laban sa nag- viral na sarhento.