Calendar

Kompensasyon ng DMW para sa mga nawawalang balikbayan boxes ikinagalak ni Magsino
IKINAGALAK ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang inilabas na anunsiyo ng Department of Migrant Workers (DMW) na nakahanda ang ahensiya na magbigay ng financial aid bilang kompensasyon para sa mga nawawalang “balikbayan boxes” ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).
Para kay Magsino, maituturing na isang tagumpay ang naging anunsiyo ng DMW sapagkat magiging malaking tulong para sa mga OFWs ang inaalok na financial aid ng naturang ahensiya.
Muling ipinaliwanag ng kongresista na dugo’t pawis ang naging puhunan ng mga OFWs para lamang makapagpadala sila ng mga pasalubong at iba pang items para sa kanilang pamilya na nasa loob ng mga ipinapadala nilang balikbayan boxes dito sa bansa.
Sabi ni Magsino na matagal nitong ipinaglaban ang karapatan ng mga OFWs para sa mga nawawala nilang balikbayan boxes. Lubos naman nitong ipinagpapasalamat ang naging pagtugon ng DMW sa suliranin ng mga OFWs kaugnay sa kanilang mga balikbayan boxes.
“Ang bawat kahon ay simbolo ng dugo at pawis ng ating mga OFWs. Simula’t-sapul ay ipinaglaban natin ang kanilang karapatan, kaya tayo ay nagpapasalamat sa DMW dahil sa kanilang naging pagtugon sa problema ng ating mga OFWs,” wika ni Magsino.
Ayon kay Magsino, ang naging hakbang ng DMW ay kasunod ng Technical Working Group (TWG) meeting na pinangunahan nito kasama si DMW Sec. Hans Leo Cacdac kung saan tinalakay dito ang mga ilalatag na solusyon upang resolbahin ang problema sa mga nawawalang balikbayan boxes ng mga OFWs.
Kasabay nito, inihayag din ng mambabatas na patuloy niyang isinusulong ang isang estriktong regulasyon laban sa mga mapagsamantalang forwarders.