Calendar

Villar muling binigyang diin ang adbokasiya para sa mga OFWs
MULING binigyang diin ni House Deputy Speaker at Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Camille A. Villar ang kaniyang paninindigan at adbokasiya para sa pagsusulong sa kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sabi ni Villar na sisikapin nitong isulong sa Senado ang Small and Medium Sized Enterprises (SMEs) kabilang na ang infrastructure at ang pagkakaroon ng housing project at edukasyon para sa mga OFWs at kanilang pamilya.
Ipinahayag ito ng kongresista sa kaniyang campaign sortie sa Central Visayas kung saan pinasalamatan ni Villar si Bohol Governor Aris Aumentado para sa ibinigay nitong suporta sa kaniyang kandidatura para sa nalalapit na May 12 mid-term elections.
Binigyang diin ni Villar ang kahalagahan ng pagtutok sa local tourism kagaya ng Bohol sapagkat ito ang magiging susi ng lalawigan para mapabuti at mapaunlad ang kanilang lokal na ekonomiya kasama na ang pagkakaroon ng trabaho para sa mga residente ng Bohol.
Ipinaliwanag din ni Villar na kilala ang Bohol bilang “world tourist destination” dahil sa taglay nitong yaman sa pamamagitan ng mga coral reefs nito, ang sikat na Chocolate hills at ang tinatawag na geological formations.
Ayon pa sa kaniya, kilala din ang Bohol dahil sa Loboc River Cruise, Hinagdanan Cave at iba pang tourist attractions na lalong nagpapasikat sa lalawigan.