Mangundadatu Sultan Kudarat Gov. Datu Pax Ali Mangudadatu

Mga governor ng Lakas-CMD siniguro majority boto para sa Straight Alyansa

Mar Rodriguez Apr 23, 2025
67 Views

BILANG tugon sa direktiba ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, nangako ang mga gobernador na kasapi ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) na magtutulong-tulong upang matiyak ang panalo ng mga kandidato sa pagkasenador na inendorso ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na makakatuwang nito sa pagkamit ng isang Bagong Pilipinas.

Ginawa ng mga gobernador—na pawang haligi ng Lakas-CMD o kaalyadong partido—ang kanilang mga pahayag sa isang pagtitipon noong Martes sa Imelda Hall, Aguado Residence sa Malacañang, na pinangunahan ni Speaker Romualdez.

Kabilang sa senatorial slate ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas na ineendorso ni Speaker Romualdez at sinusuportahan ng Lakas-CMD sina Benhur Abalos, Abby Binay, Pia Cayetano, Lito Lapid, Panfilo Lacson, Manny Pacquiao, Bong Revilla, Tito Sotto, Francis Tolentino, Erwin Tulfo at Camille Villar.

Inilarawan ni Sultan Kudarat Gov. Datu Pax Ali Mangudadatu ang mga kandidato ng Alyansa bilang mga mapagkakatiwalaang kaalyado na tunay na nakakaunawa sa mga pangangailangan ng mga hindi gaanong napagsisilbihang pamahalaang lokal.

“The senatorial candidates that our party have, these are not only people who are familiar and well-known politicians, these are also the leaders who have proven themselves that they are the ones who can best agree, best work, and best serve in the best interest of the Filipino people,” ani Mangudadatu sa kanyang maikling talumpati sa breakfast meeting.

“We need leaders, partners and friends who will fight, na ipaglaban nila ang interes ng ating mga kababayan at constituents,” dagdag pa ni Mangudadatu. “With partners and friends who will establish sustainable and long-lasting projects and programs na hindi lamang po itong henerasyon ang makakaramdam.”

Dagdag pa niya, dahil nakita ng mga mamamayan ng Sultan Kudarat ang kaunlarang hatid ng pakikipagtulungan sa pambansang pamahalaan ay ibabalik nila ito sa pamamagitan ng suporta sa darating na halalan.

“To our senators, because of your support to my beloved Sultan Kudarat, and because of your commitment to support all of the provinces of Lakas, we also commit to you our support,” ani Mangudadatu.

Sinabi ni Benguet Gov. Melchor Diclas na katulad ng iba pang lalawigan, buo rin ang suporta ng kanilang probinsya sa mga kandidato ng administrasyon, at matagal nang nagsasagawa ng kampanya sa antas-barangay.

“‘Yung panawagan ni Speaker Martin Romualdez, kami sa Benguet, of course full support kami sa panawagan ni Apo Speaker,” ani Diclas.

“Lahat naman ng mga kasama sa Alyansa, kinakampanya naman namin dati pa. Nag-start na ‘yung campaign, nag-start na rin tayong ikampanya sila lahat,” dagdag niya.

Ipinahayag ni Diclas ang tiwala na sa tulong ng kanilang pinagkaisang provincial machinery ay makapaghahatid ang Benguet ng solidong boto para sa mga kandidato ng Alyansa.

“We hope for the best. Hopefully manalo lahat sila sa amin,” dagdag pa niya.

Nagbigay rin ng tiyak na pagsuporta si Ifugao Gov. Jerry Dalipog sa partido at sa senatorial lineup nito, na binigyang-diin ang matagal na niyang ugnayan sa liderato ng Kamara at paniniwala sa mga programang isinusulong ng kasalukuyang administrasyon.

“Ang masasabi ko po sa sinasabi ni Speaker Martin Romualdez ay sa akin, lahat ng sinasabi niya ay susundin ko ‘yan,” ani Dalipog.

“At noon pa, na ako’y member ng Lakas at nag-oath sa kanya, ay sa aking paningin ay lahat naman ng programa, iyong mga tulong, ay natulungan naman ako,” aniya. “With that, I will support Alyansa, majority sa probinsiya ng Ifugao.”

Kabilang si Kalinga Gov. James Edduba sa mga unang nagpahayag ng suporta sa Alyansa slate alinsunod sa direktiba ni Speaker Romualdez.

“Actually, sila ‘yung mga inuuna naming sinasabi, ‘yung mga senador ng Alyansa eh,” dagdag pa niya.

Ibinahagi ni Edduba na aktibong naghahanda ang kanilang lalawigan para sa kampanya at pamamahagi ng campaign materials, sa tulong ng mga lokal na opisyal at kaalyado upang matiyak ang tagumpay ng buong slate sa Kalinga.

“But on our part, we are doing our best. Lahat naman ng resources namin ginagamit namin,” ani Edduba.

“Kaya sinasabi namin sa kanila, lahat ng campaign materials ninyo dalhin niyo na dito para kami na ang bahala sa mga kandidato ng Alyansa,” dagdag niya.

Kabilang sa iba pang mga gobernador ng Lakas-CMD sina Capiz Gov. Fredenil Castro, Camiguin Gov. Xavier Jesus “XJ” D. Romualdo, Nueva Ecija Gov. Aurelio “Oyi” Umali, Laguna Gov. Ramil L. Hernandez, Masbate Gov. Antonio “Tony” Kho, Catanduanes Gov. Joseph Chua Cua, Aklan Gov. Jose Enrique “Joen” Miraflores, Misamis Oriental Gov. Peter Mamawag Unabia, Lanao del Sur Gov. Mamintal Jr. Alonto Adiong, at Sulu Gov. Abdusakur M. Tan.

Ayon sa datos mula sa Commission on Elections (Comelec), ang 14 na lalawigang kinakatawan ng mga gobernador ng Lakas-CMD ay may kabuuang 9,123,185 rehistradong botante—isang malaking populasyong botante na maaaring magpabago sa takbo ng kampanya ng administrasyon.

Mayroong 533,384 rehistradong botante sa Sultan Kudarat, 539,459 sa Capiz, 416,145 sa Benguet, 158,555 sa Kalinga, 136,318 sa Ifugao, 1,620,166 sa Nueva Ecija, 2,140,124 sa Laguna, 619,174 sa Masbate, 200,804 sa Catanduanes, 414,890 sa Aklan, 1,106,297 sa Misamis Oriental, 66,557 sa Camiguin, 706,919 sa Lanao del Sur at 464,393 sa Sulu.

Ang suporta mula sa mga gobernador ng nabanggit na mga lalawigan ay maaaring magbigay ng malaking kalamangan sa mga kandidato ng administrasyon.