PCAP

San Juan chessers namamayagpag

Ed Andaya Apr 24, 2025
31 Views

WALA pang maka-pigil sa San Juan Predators.

Sumandal ang San Juan sa mahusay na mga laro nina GM Rogelio Barcenilla, Jr., Karl Victor Ochoa, Jan Jodilyn Fronda at IM Ricardo de Guzman upang pabagsakin ang Zamboanga Sultans, 20-1, at TFCC LP Bamboo Knights, 20.5-.5, upang mapanatili ang kanilang perfect record sa 2025 PCAP All-Filipino Conference chess team championships kamakailan.

Pinayuko ni Barcenilla si Raymond Salcedo ng Zamboanga, 2.5-.5, at Abbygail Bobos ng TFCC LP, 3-0; winalis ni Ochoa sina Jordan Gadayan, 3-0, at Manuel Carlo Ballila, 3-0; hiniya ni Fronda sina Sarah Mae Chua, 3-0; at Sophia Ysabel Orosa, 3-0; at itinumba ni De Guzman sina Francisco de los Santos, 3-0, at Kylle Vincent Gamba, 3-0, upang pangunahan ang Predators nina PCAP Chairman Michael Angelo Chua at coach Hubert Estrella sa panalo.

Overall, ang top-seeded Predators ay nakalikom na ng 251 points sa 16-team, two-division tournament na itinataguyod ng San Miguel Corporation, Ayala Land at PCWorx.

Samantala, binigo ng Manila Load Manna Knights, sa pamumuno nina IM Paulo Bersamina, Austin Jacob Literatus at Shania Mae Mendoza, ang Southern Conference heavyweights Toledo Trojans, 14-7, at Camarines Eagles, 19.5-1.5, upang hawakan ang solo second place sa 14-1 slate.

Ang Pasig Pirates, na pinangungunahan nina Daniel Quizon at Sherwin Tiu, ay nanaig sa TFCC LP Bamboo Knights, 21-0, bago nabigo sa Toledo Trojans, 9-12, para mapanatili ang third place sa overall standings sa tulong ng 12-3 record.

Sa Southern Conference, napanatili ng Toledo Trojans ang solo lead sa kanilang 13-2 record.

Nabigo ang Toledo sa Manila, 7-14, subalit nakabawi laban sa Pasig, 12-9.

Natalo si GM Mark Paragua kay Bersamina sa top board, nabigo si Ellan Asuela kay Literatus sa board two at napahiya si Cherry Ann Mejia kay Mendoza sa female board sa pagkabigo ng Toledo kontra Manila.

Gayunman, kaagad bumawi ang Trojans laban sa Pirates sa panalo nina Asuela laban kay Sherwin Tiu (2.5-,5); Joel Pimentel laban kay Narciso Gumila (3-0); at Diego Abraham Caparino laban kay Jerome Villanueva (2-0).

Ang Toledo, na nagtapos na runner-up sa Manila nung nakalipas na taon, ay kasalukuyang may 236 points kontra 178.5 points ng pumapangalawang Bacolod.

Ang PCAP, ang una at nag-iisang professional chess league sa buong bansa, ay pinangungunahan nina President-Commissioner Atty. Paul Elauria at Chairman Michael Angelo Chua.

Ang mgaa games ay ginaganap tuwing Wednesday at Saturday.

Standings

North– San Juan 15-0; Manila 14-1; Pasig 12-3; Cavite 11-4; Cagayan 8-7; Quezon City 5-10, Rizal 5-10; Isabela 4-11.
South — Toledo 13-2; Bacolod 10-5;
Camarines 7-8; Iriga 6-9, Iloilo 6-9; Mindoro 2-13, Zamboanga 2-13; TFCC LP 0-15.