Pacquiao

Pacquiao magtatayo din ng Pacman Village sa Pampanga

Mar Rodriguez Apr 24, 2025
19 Views

Pacquiao1Pacquiao2Pacquiao3SAN FERNANDO, PAMPANGA — Determinado ang tinaguriang “Pambansang Kamao” na si Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao na makapagpatayo rin sa lalawigang ito ng kahalintulad na “Pacman Village” kagaya ng kaniyang unang ipinagawa sa Saranggani at General Santos City.

Sa kaniyang mensahe sa harap ng libo-libong mamamayan ng Pampanga na dumalo sa campaign rally ng APBP na ginanap sa Gov. Bren Guiao Sports Complex sinabi ni Pacquiao na hangarin nitong gawin sa lalawigang ito ang legasiyang ibinigay niya para sa dalawang nabanggit na lalawigan.

Naniniwala si Pacquiao na malaki ang magagawa at maitutulong ng Pacman Village para matugunan o masolusyunan ang tinatayang nasa 6.5 million housing backlogs kung saan sa Pampanga mismo ay mayroon ng housing backlogs na umaabot sa 91,000 units.

Pagbibigay diin ng dating senador na nangangahulugan lamang ito na isa sa mga suliraning kinakaharap ng ating bansa ay ang kawalan ng matitirhan ng ating mga kababayan lalo na ang mga mahihirap.

Paliwanag pa ni Pacquiao na nakikiisa siya sa isinusulong na programa ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. upang agad na resolbahin ang kakulangan ng pabahay para sa mga mahihirap na mamamayan sa pamamagitan ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) para magkaroon ng disente at maayos na tahanan ang mga pamilyang Pilipino.

Sa katunayan, ipinabatid pa ni Pacquiao na kasalukuyang nagkakaroon na ng konstruksiyon ng mga bahay sa San Fernando, Candaba at bayan ng Minalin. Kasabay ng kaniyang pangako na ang susunod na target nito ay ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs), mga manggagawa, ang mga uniformed personnel at ang mga maralitang mamamayan.

Muling binigyang diin pa ni Pacquiao na hindi maaaring walang maayos at disenteng tahanan ang sinomang pamilyang Pilipino sapagkat kung nagawa nitong makapagpatayo ng libo-libong tahanan sa Mindanao ay kaya rin nitong gawin sa buong Pilipinas na sisimulan nito dito sa Pampanga.

“Hindi puwedeng walang tahanan ang pamilyang Pilipino. Kung kaya nating magtayo ng tahanan para sa libo-libo sa Mindanao. Kaya rin nating gawin ito sa buong Pilipinas,” wika ni Pacquiao.