BBM

Speaker Romualdez nagpasalamat kay PBBM sa pagtupad ng abot-kayang bigas

Mar Rodriguez Apr 24, 2025
19 Views

NAGPAPASALAMAT si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagtupad nito sa pangakong abot-kayang bigas, matapos niyang atasan ang Department of Agriculture na simulan na ang pagbebenta ng bigas sa halagang ₱20 kada kilo sa Western, Central, at Eastern Visayas sa susunod na linggo.

Inanunsyo ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pilot implementation ng programa matapos ang isang closed-door meeting nito sa Cebu kasama si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at 12-gobernador mula sa Visayas noong Miyerkules. Ayon kay Laurel, nais ni Pangulong Marcos na ipatupad ang programa sa buong bansa bago matapos ang termini nito sa 2028.

Inilarawan ni Speaker Romualdez ang inisyatiba bilang unang malaking hakbang tungo sa “abot-kayang bigas para sa bawat pamilyang Pilipino.”

“Simula pa lang ito. Gagawin nating alaala, kasaysayan na lang ang mahal na bigas. Sa tulong ng whole-of-government effort, masusundan ito hanggang maabot ng programa ang bawat sulok ng bansa,” ayon sa pinuno ng Kamara de Representantes na binubuo ng 306 na kinatawan.

Ipinunto pa ng lider ng Kamara na ang presyo ng bigas sa mga pamilihan — na umabot sa mahigit ₱60 kada kilo noong nakaraang taon — ay bumaba na sa pagitan ng ₱35 hanggang ₱39 para sa maraming mamimili, at ngayon ay abot-kamay na ang layuning ₱20 kada kilo.

Pinuri ng House Speaker ang mga lokal na pamahalaan sa Visayas sa pagtulong sa pambansang gobyerno sa gastos ng subsidiya, na tinawag niyang “isang halimbawa ng tunay na bayanihan economics.”

Ayon kay Speaker Romualdez, ang paglulunsad ng programa sa Visayas, na may limitasyong 10 kilo kada linggo para sa bawat pamilya hanggang sa maayos ang mga isyu sa logistics, ay magbibigay pagkakataon sa Department of Agriculture na masuri ang kapasidad ng mga bodega, mga ruta ng pagpapadala sa pagitan ng mga isla, at mga Kadiwa retail points upang matugunan ang mga problema bago ipatupad ang mas malawak na distribusyon ng bigas.

Para sa mga pangmatagalang solusyon, sinabi ni Speaker Romualdez na ang Kamara ay nakatuon sa agricultural modernization—mechanization, high-quality seed distribution, soil-health programs, at solar-powered irrigation —upang matiyak na ang layunin ng “abot-kayang bigas” ay magpatuloy kahit matapos ang pilot implementation.

Ipinahayag niya na ang mga pamumuhunang ito ay nagsisilbing “pundasyon ng matibay, mura, at masaganang bigas,” habang inihayag na ang Kamara ay nag-aaral ng mga paraan para magtatag ng mga mekanismo sa pagpopondo na magagamit ang mga natipid na pondo mula sa taripa at mga yaman mula sa pampubliko at pribadong sektor para sa modern post-harvest infrastructure.

Idinagdag ni Speaker na tinitingnan din ng Kamara ang iba’t ibang mga panukala upang matiyak ang isang sustainable at nationwide na pagpapalawak ng programang abot-kayang bigas.

Kumpiyansa si Speaker Romualdez na makakamtan ng senatorial slate ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ang isang working majority sa Senado pagkatapos ng midterm election sa Mayo 2025.

Kaya naman, umaasa siyang magiging mabilis ang aksyon ng Kongreso sa mga iminungkahing hakbangin.

“Marami pa tayong batas na dapat ipasa para maipagpatuloy at mapalawig ang ₱20-rice program,” ayon pa kay Speaker Romualdez.

“Kapag nagtagumpay ang Alyansa sa Senado, mas madali nating maisusulong ang mga reporma sa logistics, farm support, at digital subsidies na magtitiyak na hindi pansamantala kundi pangmatagalan ang tagumpay na ito—para sa magsasaka, para sa mamimili, at para sa buong bayan.”

Bilang pagtatapos, nanawagan si Speaker Romualdez sa mga mamimili na maging mapagmatyag at makiisa sa responsibilidad: “Bantayan ninyo kami, at babantayan namin ang presyo.”

“The President has cleared the path. Congress will help him pave and widen that road so no Filipino family is left behind. Sa sipag ng magsasaka at disiplina ng bayan, darating ang araw na ang gutom ay alaala na lang at ang abot-kayang bigas ay karapatan at natatamasa ng lahat.”