Calendar

Speaker Romualdez: RA 12177 patunay na ndi pinababayaan ng gobyerno sundalo, unipormadong kawani
PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Republic Act No. 12177 o ang Free Legal Assistance for Military and Uniformed Personnel Act, na “patunay na hindi iniiwan ng administrasyong Marcos ang mga tagapagtanggol nito.”
“Sa mga sundalo, pulis, bombero, jail officer, Coast Guard, at iba pang nagsusuot ng uniporme para protektahan ang bansa—this law is for you. When you risk your lives to keep our communities safe, the least we can do is make sure you don’t carry that burden alone when legal challenges arise,” ani Speaker Romualdez.
Sa ilalim ng RA 12177, sasagutin ng gobyerno ang bayarin sa legal na proseso at magbigay ng komprehensibong libreng legal na serbisyo sa mga military at uniformed personnel (MUPs) na nahaharap sa mga kasong civil, criminal, o administratibo na may kinalaman sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Inaprubahan ang panukalang ito ng Kamara bilang House Bill 6509 noong Disyembre 12, 2022 at bahagi ito ng Common Legislative Agenda.
“This isn’t just about legal defense. It’s about giving peace of mind to ordinary soldiers and cops on the ground. It tells them: ‘Just do your job, serve with honor, and we will stand with you all the way,’” diin ni Romualdez.
Saklaw ng RA 12177 ang lahat ng aktibo, retirado, o marangal na humiwalay o nag-discharge na kawani mula sa AFP, PNP, BFP, BJMP, Philippine Coast Guard, Bureau of Corrections, at NAMRIA Hydrography Branch.
Kasama rin sa sasagutin ng gobyerno ang gastos sa representasyon, legal advice, at paghahanda ng mga dokumento tulad ng pleadings, motions, memoranda, at notarized documents. Kabilang din dito ang bayad sa court filing at iba pang gastusing legal.
Ibibigay ang libreng legal assistance kung ang kaso ay may kaugnayan sa legal na pagtupad ng tungkulin. Ang legal office ng bawat ahensya ang magpapasya kung kwalipikado ang kaso.
Sa loob ng 24 oras mula sa abiso ng kaso, kailangang magtalaga ng legal officer ang pinuno ng ahensya para magbigay ng kinakailangang tulong, ayon sa panukala.
Ang kakailanganing pondo sa pagpapatupad ng RA 12177 ay kukunin sa badyet ng gobyerno.
Sinabi ng Speaker na isa lamang ito sa maraming batas at programang itinataguyod ng House of Representatives para mapabuti ang buhay ng mga nasa unipormadong serbisyo at kanilang mga pamilya.
“Napakarami na pong ginawa ng Kongreso para sa ating mga sundalo at unipormadong hanay,” dagdag pa niya.
Kabilang sa mga hakbang na pinangunahan ng Kamara:
– Mas malaking pensyon at retirement benefits sa pamamagitan ng budget measures at batas;
– Suporta sa mga housing project ng AFP at PNP katuwang ang DHSUD, para sa disenteng tirahan ng mga pamilyang militar;
– Badyet para sa modernisasyon ng AFP at PNP, kabilang ang upgrade ng kagamitan at advanced training;
– Tulong pang-edukasyon at scholarship para sa mga dependent ng MUPs na nasawi o permanenteng napinsala sa tungkulin;
– Pondo para sa hazard pay, combat duty allowance, at iba pang insentibo na naaayon sa panganib na kanilang hinaharap araw-araw.
“Kung may anak kang sundalo na nagseserbisyo sa malayong lugar, gusto mong malaman na may batas na sisigurong hindi siya babalewalain kung may makaharap siyang problema. RA 12177 gives parents, spouses, and children that assurance,” paliwanag ni Romualdez.
Nagpasalamat din ang lider ng Kamara kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagbibigay-prayoridad sa panukala, at sinabing ang pagpasa nito ay patunay ng matibay at aktibong ugnayan ng Malacañang at Kongreso.
“This is how we build a Bagong Pilipinas—by strengthening those who serve and making sure government is not just present in ceremonies, but present in their everyday struggles,” ani Speaker Romualdez.
Sa pagtatapos, muling tiniyak niya ang matibay na paninindigan ng Kamara sa mga batas na nagtitiyak ng makatarungang kompensasyon, proteksyon, at dignidad para sa mga unipormadong kawani.
“Hindi pwedeng pabayaan ang mga tagapagtanggol ng bayan. We honor them not with words, but with laws that work. And this House will keep delivering,” aniya.