Calendar

Pag-espiya ng Tsina pinakamalawak sa kasaysayan ng PH — Tolentino
ISANG seryosong banta ng pag-e-espiya ng Tsina ang kasalukuyang iniimbestigahan ng Senado—ang pinakamalawak na naitala sa kasaysayan ng bansa.
Sa pagdinig noong Abril 23 ng Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones na pinamumunuan ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino, inilahad ang mga ebidensyang tumutukoy sa umano’y sistematikong espiya ng mga Chinese national sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.
Ayon kay Tolentino, ang naturang espiya ay sumasaklaw sa lupa, karagatan, at cyberspace. “We are facing a wave of Chinese espionage that is nothing like we have experienced in our nation’s history,” iginiit niya.
Ipinabatid ni Tolentino na isa sa pinakamahalagang natuklasan ay mula sa Philippine Navy—ang pagkakarekober ng ilang underwater drones, kabilang ang isang dilaw na modelo (HY119) at isang mas advanced na itim na drone sa Batanes nitong Pebrero.
“These collect bathymetric data—depth, salinity, conductivity, oxygen content,” inilahad ni Admiral Roy Vincent Trinidad.
Bagama’t maaaring gamitin ang ganitong datos para sa siyensiya at negosyo, iginiit ni Trinidad na may potensyal din itong gamitin sa operasyong militar, tulad ng pagtukoy ng pwesto ng mga submarino. “Sound propagation is very critical when it comes to undersea warfare,” dagdag niya. Ang itim na drone ay may Acoustic Vector Sensor (AVS), na kayang tukuyin ang direksyon at lakas ng tunog sa ilalim ng dagat—mahalaga sa pagsubaybay ng submarino.
“Kaya rin ng mga drone na makipag-ugnayan sa satellite at nakita sa mga ito ang China Telecom SIM cards. Sa isang forensic analysis, isang drone ang natuklasang nagpapadala ng signal sa isang lokasyong tinukoy bilang “A064” sa China. “We are not saying [this] is the Chinese government,” paliwanag ni Trinidad. “We are just saying the results of the forensics examination.”
Bukod sa mga drone, natagpuan din sa Metro Manila at Bulacan ang mga mobile intercept device o “MC Catchers” na ginaya ang mga lehitimong telecom network para mang-harvest ng data o magpadala ng pekeng mensahe. “These equipments are available for assembly… may kalaki pong laptop at cellular phones,” saad ng opisyal mula sa NBI, na binigyang-linaw ang kanilang gamit sa paniniktik at panlilinlang.
Binanggit ni Tolentino ang posibilidad na ginagamit din ang mga ito para makalikom ng pondo sa pamamagitan ng scams sa mga ordinaryong mamamayan. “Pwede rin doon… para maging self-sustaining itong espionage activity,” ani niya, kaugnay ng babala ng NBI hinggil sa phishing at identity theft.
Ilan sa mga Chinese national na inaresto sa Palawan, Binondo, Intramuros, at Dumaguete ay matagal nang naninirahan sa Pilipinas, may permanent resident visa, at may asawang Pilipino. “They are holding permanent resident visas… marunong na rin mag-Bisaya,” ayon sa NBI.
Sa Palawan, limang katao—tinaguriang “Palawan Five”—ang nadakip matapos mag-install ng solar-powered surveillance camera upang subaybayan ang kilos ng hukbong-dagat.
Binigyang-diin ni Tolentino: “Yung pang araw-araw nating gawain… parang hindi na normal. Ini-espiyahan kayo… pati mall.” Giit pa niya, “magkakatugma lahat yan, isang related po lahat yan,” na nagpapahiwatig ng isang organisado at malawakang programa ng espiya na konektado sa People’s Republic of China.
Ayon sa AFP at Coast Guard, ang mga insidente ay hindi limitado sa iisang lugar. Umiiral ito mula South China Sea, Masbate, hanggang Benham Rise—isang lugar sa ilalim ng dagat na mayaman sa likas-yaman. Sa mga estratehikong lagusan gaya ng San Bernardino Strait at Malintang Channel, may mga drone na umanong naka-deploy.
“All of this… are part of the BOIN, the Blue Ocean Information Network of the Chinese,” saad ni Admiral Trinidad, tumutukoy sa isang global surveillance network na umano’y kaakibat ng Chinese PLA.
Sa kabila ng mga natuklasan, inilahad ng Philippine Navy ang kakulangan sa detection capabilities at umaasa sa mga ulat ng lokal na mangingisda. Ayon kay Commodore Ednera Lee, “With these characteristics… I could be able to map up crisis action plans… especially for my submarines.”
Dahil dito, nanawagan ang Senado sa pagbili ng kahalintulad na teknolohiya para sa depensang Pilipino. Hinikayat din ang koordinasyon sa pagitan ng Navy, Coast Guard, PNP, NAMRIA, at mga lokal na pamahalaan. Iminungkahi rin ang reward system para sa mga sibilyang makakarekober ng espiya kagamitan. “What is happening in the sea that we cannot see has a great effect on our country,” diin ni Tolentino.
Bilang tugon, inihain ni Tolentino ang Senate Bill No. 2951 o Counter-Foreign Interference Act, na layong patawan ng mas mabigat na parusa ang mga krimen kaugnay ng espiya at gawing hindi na maaaring piyansahan ang ilan dito. “Para maipakita sa ibang bansa na huwag nyo naman lapastanganin yung subereña ng Pilipinas,” aniya.
Magpapatuloy ang pagdinig ngayong Abril 24 kung saan inaasahan ang testimonya mula sa DICT, DOST, at NAMRIA. Inaasahan ng mga mambabatas na ito pa lamang ang “tip of the iceberg,” at higit pang detalye ang mabubunyag sa mga susunod na araw.