Sunog Ang mga bahay na nasunog sa Brgy. San Mariano, San Antonio, Nueva Ecija. Kuha ni Steve Gosuico.

32 katao nawalan ng bahay sa sunog sa Nueva Ecija

Steve A. Gosuico Apr 25, 2025
44 Views

SAN ANTONIO, Nueva Ecija–Isang sunog na ginawang abo ang pitong kabahayan na tinutuluyan ng 32 katao ang naganap sa lugar na ito noong Huwebes.

Tinupok ng sunog ang pitong magkakatabing kabahayan sa loob ng De Jesus compound sa Purok 2, Calle Moron, Brgy. San Mariano.

Kinilala ni Remigio Catle, municipal disaster risk reduction and management officer, ang mga may-ari ng mga nasunog na bahay na sina Willy De Jesus, Taciana Tuazon, Maricris D. Sortiz, Edwardo De Jesus, Liezl Gamboa, Marvin De Jesus at Luis De Jesus.

Sinabi ni SFO4 Aldibert D. Jose, OIC-municipal fire marshal na walang naiulat na nasawi o nasugatan sa sunog na naganap alas-6:57 ng gabi at nadeklarang fire out dakong alas-7:31 ng gabi.

Ayon sa imbestigasyon, mabilis na kumalat ang apoy dahil sa malakas na hangin.

Biinanggit ni Fire Investigator FO1 Gee Ann Bondoc na nagmula ang apoy sa kusina ng bahay na hindi agad naapula, kaya napilitan silang tumawag ng bumbero para humingi ng tulong.

Sinabi ni Catle, iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog na sa inisyal na imbestigasyon nangyari dahil sa hindi nabantayang sinaing.

Sinabi ni municipal engineer Leonor Balcos na magbibigay ng tulong ang municipal government sa mga nasunugan sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay municipal planning and development officer Augusto Ortiz, pangulo ng socio-civic group Agila ng San Antonio Patriots Eagles Club (ASAPEC), nagbigay sila ng isang sakong bigas at financial token sa bawat isa sa pitong apektadong pamilya noong Huwebes sa Brgy. San Mariano.