Calendar

Senado iinataguyod karapatan ng commuter sa pamamagitan ng Magna Carta
NANINIWALA ang Senado na marapat lamang na mabigyan ang mga commuter ng karapatan na makagalaw nang ligtas at maginhawa ayon sa itinatadhana ng batas.
Dahil dito, isinusulong ng Senado ang panukalang Magna Carta for Commuters—isang komprehensibong batas na layuning protektahan at itaguyod ang karapatan ng lahat ng commuter, lalo na ng mga pinaka-bulnerable gaya ng mga taong may kapansanan, senior citizens, at mga buntis na hindi kayang makipagsabayan sa ordinaryong mga pasahero.
Sa pinakahuling pagdinig ng Senate Committee on Public Services, na pinamumunuan ni Senador Raffy Tulfo, maraming sektor ang nagpahayag ng buong suporta sa panukala. Kabilang dito ang National Council on Disability Affairs (NCDA) na nagbigay ng matibay na pag-endorso.
Idinetalye ni Atty. Walter Alava ng NCDA na ang panukalang batas ay “a pivotal and urgently needed legislative measure,” at pinuri niya si Senador Tulfo para sa kanyang “visionary leadership and resolute commitment” sa kapakanan ng mga commuter.
Batay sa panukala, itinatakda ang mga pangunahing karapatan ng commuter tulad ng pagkakaroon ng ligtas, accessible, abot-kaya, at episyenteng pampublikong transportasyon. Kabilang dito ang paninigurong malapit lamang sa mga commuter ang mga terminal at hintuan, na ang oras ng paghihintay sa rush hour ay hindi lalampas sa 10 minuto, at ang pagkakaroon ng malilinis at accessible na pasilidad.
Bukod dito, iginiit ng panukala na dapat maging ganap na accessible ang lahat ng pampublikong transport infrastructure—kabilang ang pagkakaroon ng rampa, elevator, prayoridad na mga upuan, at mga karatula para sa mga may mobility o sensory impairments.
Sa pagdinig, binigyang-diin ni Senador Tulfo ang kahalagahan ng accessibility. Ikinuwento niya na sa kanyang mga pagsakay sa pampublikong bus, nakita niyang hindi ito akma para sa mga gumagamit ng wheelchair. Aniya, “All the buses that I’ve ridden—if you’re in a wheelchair, you should be sorry because you will fall.”
Dahil dito, iminungkahi niya sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na obligahin ang bawat ruta na magkaroon ng hindi bababa sa isang kneeling bus na may mechanical ramp para sa mga wheelchair user. Binanggit din niya na bagamat may mga accessible restroom sa ilang pantalan sa Cebu, karamihan sa mga terminal sa lupa ay wala pa ring ganitong pasilidad.
Samantala, pinayuhan ng NCDA ang Senado na iayon ang Magna Carta for Commuters sa mga umiiral na batas tulad ng Republic Act No. 7277 o Magna Carta for Persons with Disability, at Batas Pambansa Blg. 344 o Accessibility Law. Ipinunto ni Atty. Alava na ang pampublikong transportasyon ay dapat magbigay ng accessible restrooms, tactile guides, malinaw na signage, at maluluwag na daanan upang matiyak ang isang barrier-free na karanasan para sa lahat.
Upang tiyakin ang maayos na pagpapatupad, iminungkahi rin sa panukala ang pagbuo ng Office of Commuter Affairs sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr), gayundin ng mga katumbas na tanggapan sa mga lokal na pamahalaan. Ang mga opisina na ito ang mangunguna sa pagtanggap ng reklamo, pagsasagawa ng accessibility audits, at pagmamanman ng pagsunod sa mga pamantayan. Dagdag pa rito, inirekomenda ng NCDA na ang implementing rules and regulations (IRR) ay maglatag ng malinaw na grievance system at magtakda ng mahigpit na parusa sa mga lalabag.
Ayon sa mga advocate ng transport reform at mga eksperto sa urban mobility, ang panukalang batas ay nakabatay sa mga pinakamahusay na praktis ng mga bansang tulad ng Singapore, South Korea, at Japan—mga lugar kung saan naka-ugat ang inclusive mobility sa disenyo ng kanilang transport system. Sa kabilang banda, nananatiling malaking hamon sa Pilipinas ang maayos na imprastruktura ng pampublikong transportasyon, lalo na para sa mga commuter na may kapansanan, bunsod ng hindi pantay-pantay na pagpapatupad ng accessibility laws.
Bilang pagtatapos ng pagdinig, mariing ipinabatid ni Senador Tulfo ang kanyang panawagan sa mga regulator at operator: “This is not just a policy. It’s a transformative step,” aniya. “Our transportation system must serve everyone—not just the able-bodied or the privileged few.”
Sa kasalukuyan, ilang bersyon ng Magna Carta for Commuters ang nakabinbin sa Senado. Sa kabuuan, ang panukalang ito ay nakikita bilang isang mahalagang hakbang sa pagbabagong-anyo ng pampublikong transportasyon ng bansa tungo sa dignidad, pagkakapantay-pantay, at accessibility para sa lahat kahit pa sa mga may kapansanan.