Peke

Nagpakilalang hepe ng LTO, nasakote sa pangingikil

Jun I Legaspi Apr 27, 2025
17 Views

INARESTO ng mga intelligence agents ng Land Transportation Office (LTO) at ng Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (PNP-ACG) ang isang lalaking umano’y nangingikil at nagpapakilala pang hepe ng LTO kapalit ng pag release sa mga na-impound na colorum na passenger buses.

Kinilala ang suspek na si Jeffrey Morong Mendoza na nagpapakilala pang “LTO chief” sa mga may-ari ng mga na-impound na bus matapos makipag-ugnayan sa kanila.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, nalaman niya ang insidente ng lapitan siya ng ilang bus operator na nagsabing may nagpapanggap umano bilang siya para maningil ng P250,000 kada impounded passenger bus.

“Pagkatapos kong malaman ang insidenteng ito, agad kong inatasan ang aming Intelligence and Investigation Division chief na si Renante Melitante na magsagawa ng imbestigasyon para matukoy at mahuli ang impostor na ito,” ani Asec. Mendoza.

Nakipag-ugnayan si Melitante sa PNP-ACG para sa operasyon katuwang ang ilan sa mga biktima.

Batay sa salaysay ng mga biktima, nakipag-ugnayan sa kanila ang suspek at sinabihang P250,000 kada bus ang kailangan para ma-release ang mga ito, kahit na P1 milyon ang multa para sa colorum na bus.

Noong nakaraang taon, naglabas si Asec. Mendoza ng kautusan na sa pamamagitan lang ng court order maaaring makuha ang anumang sasakyang na-impound dahil sa colorum violations.

Lumabas sa imbestigasyon na ipinakilala ng suspek ang sarili bilang si Asec. Mendoza at sinabing siya lamang ang makakapaglabas ng mga naka-impound na bus.

Sa tulong ng isang biktima, nakipagtransaksyon ang mga operatiba ng LTO at PNP-ACG sa suspek sa Cubao Terminal Complex, Times Square Avenue sa Quezon City, pasado alas-1:45 ng hapon noong Abril 26.

Naaresto ang suspek matapos nitong tanggapin ang boodle money na may kasamang minarkahang P1,000 bill.

Narekober mula sa suspek ang minarkahang pera, boodle money, isang driver’s license at dalawang cellphone.

Inihahanda na ng mga imbestigador ng LTO at PNP-ACG ang mga kasong paglabag sa Article 177 (usurpation of authority) at Article 315 (swindling/estafa) ng Revised Penal Code ng RA 10175 o “Cybercrime Prevention Act of 2012.

“Ako mismo ang magbabantay sa kasong ito para masigurong mapaparusahan ang taong ito. Hindi po natin palalampasin ang mga ganitong pangloloko sa ating mga kababayan,” ani Asec. Mendoza.

Hinimok ni Asec. Mendoza ang mga PUV operator at ang publiko na huwag makipagtransaksyon sa mga scammer at isumbong sa LTO o PNP ang anumang pangingikil, paggamit ng pangalan ng opisyal at iba pang ilegal na gawain.