BI Source: Bureau of Immigration

2 babaeng biktima ng online trafficker nailigtas ng BI sa NAIA

Jun I Legaspi Apr 30, 2025
20 Views

IPINAGMALAKI ng Bureau of Immigration (BI) ang matagumpay nilang operasyon laban sa isang kilalang online trafficker na nambibiktima ng mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa internet.

Sa ulat na isinumite kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ibinahagi ng mga miyembro ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ang pagkakaligtas sa dalawang babaeng biktima—na tinukoy bilang sina “Annie” at “Aiza,” parehong nasa kalagitnaang edad—sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nitong Abril 25.

Ayon sa mga opisyal, unang sinabi ng dalawa na magkaibigan silang magbabakasyon lamang sa Hong Kong.

Ngunit sa masusing inspeksyon, napansin ang kahina-hinalang mga sagot kaya isinailalim sila sa karagdagang imbestigasyon.

Sa follow-up interview, inamin ng dalawa na ang tunay nilang destinasyon ay Bahrain, kung saan sila ay narecruit upang magtrabaho sa isang pabrika kapalit ng buwanang sahod na 130 Bahraini Dinar, o humigit-kumulang ₱19,000.

Nadiskubre rin na binigyan sila ng recruiter ng dalawang sobre—ang isa ay may mga karaniwang dokumento sa paglalakbay, habang ang isa naman ay naglalaman ng ticket patungong Bahrain at aplikasyon para sa visa.

Ang lahat ng ito ay isinagawa sa ilalim ng pagpapanggap na legal ang kanilang overseas employment.

Agad silang itinurn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) upang magsampa ng kaso laban sa mga recruiter.

Ayon kay Commissioner Viado, lumabas din sa imbestigasyon na ang parehong recruiter ang nasa likod ng isa pang grupo na nakatakdang bumiyahe pa-Thailand ngayong Abril 29.

“May higit dalawampung indibidwal pa ang nasangkot sa parehong modus at kasalukuyang minamanmanan. Naipasa na sa IACAT ang impormasyon at patuloy ang aming pagtutulungan upang tuluyang masugpo ang sindikato,” pahayag ni Viado.

Lumabas din na pinaniwala ng trafficker ang mga aplikante na dumadaan sila sa lehitimong proseso bilang mga Overseas Filipino Worker (OFW), ngunit pinayuhan silang magkunwaring turista upang makalusot sa immigration.

Binigyang-diin ni Viado na ang insidenteng ito ay patunay sa pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa human trafficking, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pag-isahin ang mga hakbang ng mga ahensya kontra sa iligal na pagre-recruit.

“Buong suporta ang BI sa IACAT sa walang humpay na pagtugis sa mga illegal recruiter,” dagdag niya. “Hangad naming makamit ang hustisya para sa ating mga kababayan at tiyaking ligtas sila mula sa pagsasamantala saan mang panig ng mundo.”