Santiago NBI Director Jaime B. Santiago

Gumawa, nagpakalat ng gawa-gawang ‘Oplan Horus’ pinaiimbestigahan ng Lakas-CMD sa NBI

24 Views

HINILING ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) sa National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng malalim na imbestigasyon hinggil sa pinagmulan at paraan ng pagkalat ng isang pekeng dokumento na tinawag na “Oplan Horus.”

Sa isang liham na may petsang Abril 23, 2025, na ipinadala kay NBI Director Jaime B. Santiago, ipinaabot ni Lakas-CMD Executive Director Anna Capella Velasco ang pagkabahala ng partido sa “malicious and falsified” na dokumento na ikinalat sa social media.

Ang “Oplan Horus” document ay nilagyan ng pinekeng pirma ni House Majority Leader Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, executive vice president ng Lakas-CMD.

“This manufactured document was published in The Manila Times on 23 April 2025 and has since been widely disseminated on multiple social media platforms,” ayon kay Velasco.

“It has caused significant reputational damage not only to the Office of the Majority Leader, but also to the House of Representatives and the Lakas-Christian Muslim Democrats,” dagdag pa niya.

Ayon kay Velasco, ang nasabing dokumento ay lantarang panlilinlang at nauna nang itinanggi ni Dalipe.

Naniniwala ang Lakas-CMD na ang insidente ay may elemento ng identity fraud, cyber libel at posibleng paglabag sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012.

Nanawagan sila sa NBI na tukuyin ang pinagmulan ng dokumentong may peke umanong lagda at kasuhan ang mga responsable rito.

“In light of this, we respectfully request… a full investigation to identify the individuals or groups responsible for the creation and distribution of the fabricated ‘Oplan Horus’ document,” saad sa liham.

Hiniling rin ng grupo sa NBI na tukuyin kung paano nailathala sa isang kilalang pahayagan ang dokumento at kung paano ito mabilis na kumalat sa social media.

Hinimok din nila ang pakikipag-ugnayan sa Meta at iba pang digital platforms para sa forensics at user traceability.

Hiniling ng Lakas-CMD sa NBI: “Initiate the appropriate legal proceedings and file criminal charges, if warranted, against those found responsible for the fabrication, publication and malicious sharing” ng nasabing pekeng dokumento.

Dagdag pa ni Velasco, handa silang magsumite ng mga ebidensyang hawak nila upang suportahan ang imbestigasyon, kabilang ang published document, screenshots ng social media posts, digital copies at mga sworn statement.

“We urge the NBI to treat this matter with the utmost urgency,” pagpapatuloy ng liham. “It involves not only the identity and integrity of a high-ranking public official but also the credibility of our democratic institutions ahead of the 2025 midterm elections.”

Binigyang-diin ng Lakas-CMD na ang pagpapakalat ng pekeng dokumento ay bahagi ng isang mapanganib na kampanya ng disimpormasyon na naglalayong guluhin ang publiko at pahinain ang mga demokratikong proseso.

Tinukoy din nila na ang tunay na banta ng “Oplan Horus” ay ang kakayahan nitong sirain ang tiwala ng mamamayan sa mga democratic institution, lalo na’t nalalapit na ang halalan.

Ang hiling na imbestigasyon ay inihain sa ngalan ni Dalipe.