bro marianito

Tugunan ang paanyaya ni Jesus

441 Views

Kapag nais ni Jesus na pumasok sa buhay natin gaya ng pagpasok Niya sa bahay ni Zaqueo, tatanggihan ba Natin Siya? (Lk. 19:1-10)

ANG pagtawag sa atin ni Jesus para magbalik loob sa Diyos ay isang “blessing” o biyaya.

Sapagkat tatanggi ka ba sa Kaniyang paanyaya kapag sinabi sa iyo mismo ni Kristo na “Sumunod ka sa Akin?”

Ganito ang ipinakitang karakter ng tax collector na si Zacchaeus sa Mabuting Balita (Lucas 19:1-10) matapos niyang tugunan ang tawag at paanyaya sa kaniya ni Jesus.

Hindi naging hadlang ang pagiging pandak ni Zacchaeus at lalong hindi rin naging balakid ang maraming tao para makita at makilala niya si Jesus na naglalakad sa kabayanan ng Jericho.

Dahil sa dami ng mga tao kahit gustuhin man ni Zaqueo na makita si Jesus ay hindi niya magawa dahil sa Kaniyang kapandakan.

Ang napakaraming tao na nasa kaniyang harapan ang nagsilbing balakid para niya makita at makilala si Kristo kagaya ni Zaqueo.

Ang maraming tao na nasa kaniyang harapan ang naglalarawan sa mga bagay bagay na nagsisilbi rin hadlang upang personal na makita at makilala natin si Jesus.

Ang sobrang pagkahumaling sa kayamanan at pagkagumon sa kapangyarihan ang mistulang maraming tao na humaharang din sa ating harapan kaya hindi natin kilala si Kristo.

Bagama’t hindi tayo pandak na kagaya ni Zaqueo subalit ang ating mga kakulangan at kamalian sa buhay ang nagsisilbing hadlang upang makilala natin ang Diyos.

Ang puno ng sikamoro ang naging susi para kay Zachaeus upang matagpuan niua ang kaligtasang hatid ni Jesus.

Isang napakahalagang instrumento ang ginampanan ng sycamore tree sa kuwento.

Dahil sa pamamagitan nito ay malaking pagbabago ang nangyari sa buhay ni Zaqueo. Ang puno ng sikamoro ay naglalarawan sa mga bagay na kinakasangkapan ng Panginoong Diyos para makaalis sa kasalanan ang tao at upang makita at matagpuan Nila ang Diyos.

Hindi lamang pinatuloy ni Zacchaeus si Kristo sa kaniyang bahay kundi pinapasok din niya ang Panginoon sa kaniyang buhay.

Dahil ang bahay na tinutukoy sa Ebanghelyo ay ang buhay ni Zaqueo na hinayaan niyang pumasok dito si Jesus.

Sinamantala at hindi rin pinalampas ni Zaqueo ang magandang pagkakataon noong malaman nitong dumarating si Jesus.

Dahil maaaring iniisip niya na ito na ang tamang oras para talikuran niya ang kaniyang lumang pamumuhay at tuluyan ng magbalik loob sa Diyos sa tulong ng sycamore tree.

Ang Pagbasa ay isang paanyaya sa atin na huwag nating sayangin ang pagkakataon.

Ang pagkakataong tinatawag tayo ni Jesus tulad ng pagtawag Niya kay Zaqueo na tumuloy sa bahay Nito.

Tutugon ba tayo sa tawag ni Jesus o tatanggihan natin siya? Mula ng papasukin ni Zacchaeus si Kristo sa Kaniyang bahay (buhay malaking pagbabago ang naganap sa kaniyang buhay.

AMEN