OFW

Magsino nagbabala sa bagong modus na “punit passport”

Mar Rodriguez May 1, 2025
58 Views

NAGBABALA si OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino patungkol sa lumalaganap na bagong modus-operandi parikular na ang “punit passport” scheme kasabay nito ang mga kaso ng illegal recruitment na naitala sa bansang Bahrain.

Ang babala ni Magsino ay batay sa inilabas na ulat ng Department of Transportation (DOTr) kaugnay sa mga insidente ng paninira ng passport ng mga pasahero na kinasasangkutan umano ng ilang tauhan ng airline o immigration na isang paraan upang ma-offload ang mga pasahero.

Pagbibigay diin ng kongresista na dahil sa pangyayaring ito, pinipilit ang mga pasahero na magbayad ng karagdagang halaga o kaya naman ay hindi sila papayagang makalipad.

Dahil dito, sabi ni Magsino na binalaan ng DOTr ang mga airline companies na mananagot sakaling mapatunayan na sila ay sangkot sa nabanggit na gawain.

Pinaalalahanan ni Magsino ang mga pasahero partikular na ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na ingatan ang kanilang pasaporte at maging mapagmatyag sa anomang kahina-hinalang kilos ng mga tauhan sa paliparan.

“Hindi tayo dapat magpaloko at hayaang mapahamak ang ating mga kababayan. Ugaliing maging mapanuri at huwag basta-basta ipaubaya ang mga dokumento sa mga tauhan sa paliparan na hindi malinaw ang proseso,” wika ni Magsino.