Tulfo ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo

Alyansa nanawagan sa mga botante na huwag magpaapekto sa pakikialam ng China

Mar Rodriguez May 2, 2025
84 Views
Sotto
Dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III
Lacson
Dating Senador Panfilo “Ping” Lacson
Abalos
Dating Interior Secretary Benhur Abalos

LUCENA CITY — Nagbabala ang mga kandidato sa pagkasenador ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas kaugnay ng lumalalang pagtatangka ng mga dayuhan na impluwensyahan ang midterm elections sa 2025, at sinabing ang panghihimasok ng China ay “masyado nang obvious” para balewalain.

Hinimok nila ang mga botante na piliin lamang ang mga lider na matibay na kakampi ng sambayanang Pilipino.

“Masyado namang obvious na, na talaga namang nakikialam ang China. Hindi ba pati sa election, based on the reports of the National Security Council and NICA (National Intelligence Coordinating Agency)? Mahirap na itong itanggi,” ani dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa isang press conference kasama ang iba pang senatorial bets ng Alyansa.

Sinabi ni Sotto na kung siya ay mahalal muli, tututulan niya ang anumang pagtatangka na ibalik ang mga polisiyang maaaring magsilbi sa interes ng ibang bansa.

“Ako, sisiguraduhin kong hindi ma-repeal ‘yang Philippine Maritime Zones Act. Kursunada ‘yun ng mga pro-China senators. Hinding-hindi ko papayagang ma-repeal ‘yun,” aniya.

Sinabi naman ni dating Senador Panfilo “Ping” Lacson na ang umiiral na anti-espionage law ng bansa, ang Commonwealth Act No. 616 na ipinasa pa noong 1941, ay lipas na at hindi na tugma sa mga makabagong banta.

“You just can imagine, it’s about time i-amend natin o i-repeal natin ang napakalumang legislation to be attuned sa time,” ani Lacson.

“Noong araw wala pa namang social media, wala pa itong modern information technology,” dagdag niya.

Nagbabala rin si dating Interior Secretary Benhur Abalos na ang election interference ay hindi lang nangyayari sa pamamagitan ng paniniktik, kundi pati sa information warfare at kahina-hinalang pinansyal na suporta.

“Ang Pilipinas ay para sa Pilipino. Walang sinumang dayuhan ang pwedeng makialam sa eleksyon dito,” ani Abalos.

Dagdag pa niya: “Gusto nilang maimpluwensyahan at kontrolin ang ating bansa. Walang sinumang Pilipino ang dapat pumayag dito.”

Sinabi ni Abalos na dapat agarang kumilos ang Commission on Elections (Comelec) at Department of Information and Communications Technology (DICT), dahil ang mga troll account at artipisyal na pinalalakas na content ay maaaring magbigay ng maling impresyon sa publiko na ang ilang pananaw ay sinusuportahan ng nakararami.

“It’s a form of mind conditioning. That’s how you control an election,” babala ni Abalos. “Pangalawa, pagbibigay ng pondo. Dapat ma-trace ang pondong ito dahil iba-iba siya sa foreign government. Saan galing ito?”

Iginiit din ni Abalos ang malinaw na paninindigan ng Alyansa, ang Senate slate na sinusuportahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Isa lang ang masasabi ko: ang nakaharap sa inyo ngayon, ang Alyansa is pro-Philippines,” diin niya.

Nagbabala rin si ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo sa mga botante laban sa paghalal sa mga kandidatong nananatiling tahimik sa mga kilos ng China sa West Philippine Sea o mga operasyong may dayuhang impluwensya.

“May 12 po, nasa kamay po natin ang pagpapasya kung anong klaseng Senado ang gusto po natin—anong Congress, anong mayor, anong governor, vice mayor, board member,” ani Tulfo.

“Unang-una po ‘yong Senado. Ito ba, pro-China ba ito? Do you want a Chinese-controlled Senate? ‘Yun po ‘yung sinasabi natin. Ito, hindi umiimik basta China ang pinag-uusapan. Wala ka nang maririnig,” dagdag niya.

Sinabi ni Tulfo na ang lahat ng 11 kandidato ng Alyansa ay mariing tumututol sa panghihimasok ng China, kabaligtaran ng iba na nananatiling tahimik.

Hinikayat niya ang mga botante na suriin hindi lamang ang mga kandidatong senador kundi pati ang mga tumatakbong kongresista, at tanungin kung nagsalita na ba sila laban sa China o nagpapakita ng pagkiling dito.

“Nasa kamay po natin kung gusto natin na pumasok na ang China o maging probinsya na po ng China. Nasa sa ating mga kamay. ‘Yun lamang po,” ani Tulfo.