Sen Pacquiao.

Pacquiao isusulong ang countryside-centered legislative agenda

Mar Rodriguez May 3, 2025
54 Views

Sen Pacquiao.Sen Pacquiao.BINIGYANG DIIN ni Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao na sisikapin nitong isulong sa Senado ang isang “countryside-centered” legislative agenda para matulungan ang mga mahihirap na mamamayan partikular na ang mga nasa laylayan ng ating lipunan.

Kasabay nito, ibinigay ng mga pangunahing lider mula sa Northern at Eastern Samar ang kanilang buong suporta para kay Pacquiao dahil sa mga isinusulong nitong kaunlaran sa kanayunan kabilang na ang maka-masang mga batas.

Kabilang sa mga opisyal ng Local Government Unit (LGU) ng dalawang lalawigan na nagpahayag ng suporta para kay Pacquiao ay sina Eastern Samar Board Member Raph Vincent “RV” Evardone, Northern Samar Rep. Paul Daza kasama na ang koalisyon ng mga alkalde mula sa dalawang probinsiya.

Sinabi naman ni Evardone na matagal ng ipinaglalaban ni Pacquiao ang kapakanan ng mga nasa laylayan ng lipunan mung saan sinang-ayunan naman ni Daza ang naging pahayag ng una.

Ayon sa kongresista, palaging isinusulong ni Pacquiao ang mga programang direktang tumutulong sa mahihirap sa pamamagitan ng imprastraktura, edukasyon at kabuhayan.

“Palagi niyang isinusulong ang mga programang direktang tumutulong sa mahihirap. Naiintindihan niya ang pangangailangan ng ating mga kababayan dahil doon siya nagmula,” sabi ni Daza.

Lubos namang nagpapasalamat ang dating senador sa suporta at tiwala na ipinagkaloob sa kaniya nina Evardone, Daza at ang mga lokal na lider ng Samar. Kung saan, pagdidiin pa nito na ang kaniyang kandidatura ay hindi isang simpleng pagtakbo. Bagkos, isang misyon para ipaglaban umano ang kapakanan ng mahihirap na mamamayan.

“Lubos akong nagpapasalamat sa tiwala nina Evardone at Congressman Daza at ng mga lokal na lider ng Samar. Hindi lamang ito isang simpleng pag-endorso, kundi isa itong misyon na aming pinagsaluhan. Patuloy naming ipaglalaban ang kapakanan ng mga mahihirap, mga magsasaka at kabataan na nangangailangan ng edukasyon at sports,” ayon kay Pacquiao.

Dahil dito, sinabi ni Pacquiao na isusulong nito sa Senado ang isang countryside-centered legislative agenda. Kabilang na dito ang libreng pabahay, edukasyon, paglikha ng kabuhayan, pagbibigay ng kapital para sa mga micro, small at medium enterprises (MSMEs) sa mga probinsiya, pamumuhunan at imprastraktura.

To God be the Glory