Calendar

Kaso vs parak na nagpalaya ng preso isinampa na
SINAMPAHAN na ng kasong kriminal ang sinibak na hepe ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) at dalawang iba pa na umano’y nagpalaya ng babaeng preso at pinayagang makapag-check in sa hotel noong Biyernes Santo.
Si dating QCPD CIDU chief P/Maj. Don Don Llapitan at ang hepe ng Warrant Section na si P/Lt. Dexter Bernadas ay kinasuhan ng paglabag sa Article 156 ng Revised Penal Code (delivering of a prisoner from jail) sa Quezon City Prosecutor’s Office nitong Biyernes.
Tumayong nominal complainant ng Philippine National Police (PNP) si Maj. Joseph Valle ng QCPD CIDU.
Samantala, si P/SMS Danilo Pacurib, chief custodial ng nasabi ring unit na kasama sa mga nasibak, nahaharap naman sa kasong administratibo.
Sinibak at dinis-armahan ni dating QCPD Director P/BGen Melecio Buslig J., sina Llapitan, Bernadas at Pacurib, matapos makatanggap ng impormasyon na nakalabas ng kulungan ang female detainee na si alyas “Bongat” at nag-check in sa isang 5-star hotel sa Quezon City.
Si Bongat ay nakadetine sa QCPD-CIDU dahil sa kasong 4 counts of qualified theft na walang nirekomendang piyansa.
May escort pa umanong mga pulis nang makipagkita si Bongat sa kaniyang pamilya sa hotel sa lungsod.