Calendar

Marcos, Cebu Gov. Garcia nagpakita ng suporta kay Abalos sa mga huling araw ng kampanya
SA nalalapit na pambansang halalan, nagsanib-puwersa sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Cebu Governor Gwen Garcia upang endorsohan si senatorial candidate Benhur Abalos Jr., at nanawagan sa mga Cebuano na magkaisa sa likod ng mga kandidatong senador ng Alyansa Para sa Pagbabago.
Hinimok ni Garcia ang kanyang mga kababayan na ipamalas ang matibay na pagkakaisa sa halalan. “Ang solid Cebu vote ay katumbas ng 3.4 million votes, atin ‘yang ipakita kung ano’ng maibigay sa pagkakaisa,” kanyang pahayag sa harap ng masigabong suporta ng mga tagapakinig.
Hinikayat din niya ang lahat na iboto ang buong slate: “Sinisigurado ko bago ako aalis, aking pinapakiusapan, ating suportahan ang ‘Alyansa’ senatorial candidates. Suportahan natin? Suportahan natin. Totohanin. Papanalunin natin.”
Pinuri naman ni Marcos si Abalos bilang kalihim ng Department of the Interior and Local Government.
“Noong ako ay bagong upo, inisip ko sino ilalagay natin ng DILG. Sabi ko maghanap tayo ng mga kilala natin ang nakakaunawa sa mga isyu ng local government. At ang naiisip ko kaagad, noong panahon ‘yun, Mayor Benhur Abalos,” aniya.
Binigyang-diin ni Marcos na ang Alyansa slate ay sumasalamin sa may karanasan at may kakayahang pamumuno. “Alam po natin na sila ang mga pinakamagagaling na tumatakbo para sa Senado sa taong ito kung kaya’t sila po ang aming pinili,” dagdag pa niya.
Nauna nang nakatanggap si Abalos ng suporta mula kina dating Bise Presidente Leni Robredo at television icon Vice Ganda.
Nagpasalamat si Abalos, dating DILG secretary at matagal nang alkalde ng Mandaluyong, sa dalawang lider para sa kanilang endorsement, at nangakong isusulong ang mga batas na direktang tutugon sa mga pang-araw-araw na suliranin ng mga pamilyang Pilipino. Kabilang sa kanyang pangunahing adbokasiya ang pagtanggal ng value-added tax sa kuryente at fuel na ginagamit sa power generation upang mapababa ang singil sa kuryente para sa milyun-milyong kabahayan at bigyan ng oportunidad ang maliliit na negosyo na umunlad.
Nangako rin siya na amyendahan ang Rice Tariffication Law upang maibalik ang papel ng National Food Authority hindi lamang sa pagbili ng palay mula sa mga magsasaka kundi pati na rin sa pagbebenta nito sa merkado kahit walang deklaradong emergency.
Binigyang-diin rin niya ang agarang pangangailangan na protektahan ang municipal fishing grounds mula sa panghihimasok ng mga commercial fishing operators, upang matiyak na ang mga komunidad sa baybayin ay patuloy na makapaghanapbuhay at makapag-ambag sa seguridad sa pagkain ng bansa.
Ipinangako rin ni Abalos na bibigyan ng prayoridad ang pabahay—para sa mga low-income na pamilya sa lungsod at sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na umuuwi sa bansa.