Sen Tulfo

Sen. Tulfo: Mahigpit na ipatupad regulasyon sa transportasyo

13 Views

NANAWAGAN si Sen. Raffy Tulfo ng mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon sa transportasyon at mas pinaigting na proseso ng pagsusuri sa mga drayber matapos ang dalawang malagim na aksidente noong isang linggo.

Umabot sa 12 katao ang nasawi at dose-dosenang iba pa ang nasugatan na dahilan upang muling pumutok ang usapin ukol sa kakulangan sa kaligtasan sa mga lansangan.

Ayon kay Tulfo, bagama’t madalas hindi sinasadya ang mga aksidente, marami sa mga ito maiiwasan kung may sapat na pangangasiwa at mahigpit na pagpapatupad ng mga alituntunin.

Noong Mayo 1, isang bus ng Pangasinan Solid North Transit Inc. ang bumangga sa ilang sasakyan sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) toll plaza.

Sampung ang namatay habang 37 ang nasugatan. Lumalabas sa imbestigasyon na nakatulog ang drayber na ugat ng banggaan.

Tinukoy ni Tulfo ang pangyayaring ito bilang halimbawa ng panganib na dulot ng labis na pagod at pagtatrabaho ng mga drayber.

Bilang Chairperson ng Senate Committee on Public Services, matagal na niyang isinusulong ang mahigpit na pagpapatupad ng LTFRB Memorandum Circular No. 2017-012 na naglilimita sa anim na sunod-sunod na oras ng trabaho ng mga drayber ng pampublikong bus.

“Dapat maimbestigahan kung siya ba ay overworked o lagpas anim na oras nang naka-duty,” aniya.

Noong Mayo 4, isang itim na SUV ang sumalpok sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Pasay City.

Isang limang taong gulang na batang babae at isang 29 anyos na lalaki ang nasawi, habang apat na iba pa ang nasugatan.

Ayon sa pulisya, nataranta ang drayber at naapakan ang silinyador sa halip na preno.

Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya, at iniulat ng Land Transportation Office (LTO) na pansamantala nang sinuspinde ang kanyang lisensya habang gumugulong ang imbestigasyon.

Ipinunto ni Tulfo ang pangangailangan ng mas mahigpit na sistema sa pag-screen ng mga aplikante ng lisensya sa LTO upang matiyak na tanging mga may sapat na kaalaman, kasanayan at mental na kakayahan lamang ang pinapayagang magmaneho.

Iminungkahi rin niyang muling suriin kung sumusunod ba sa Labor Standards Compliance Certificates ang mga operator ng transportasyon.

Sa katunayan, binigyang-diin ni Tulfo na ang sunod-sunod na trahedyang ito malinaw na nagpapakita ng malalaking kakulangan sa sistema ng pagpapatupad ng batas at pananagutan.