Sen Pacquiao.

Pacquiao muling itutulak pagtatatag ng Department of Water Resources

Mar Rodriguez May 8, 2025
19 Views

MALOLOS, BULACAN – Binigyang diin ni Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao na muli nitong itutulak ang pagtatatag ng Department of Water Resources na siyang mangangasiwa sa lahat ng ahensiya na may kinalaman sa patubig.

Ang naging pahayag ni Pacquiao ay kaugnay sa matagal na nitong pagtutol sa privatization ng mga pangunahing serbisyo tulad ng tubig.

Idiniin nito na hindi dapat ipasa sa isang private sector ang isang serbisyo na mahigpit na ginagamit ng publiko subalit masyado naman silang nabibigatan at nahihirapan dahil sa mataas na singil.

Paliwanag ni Pacquiao na magiging maginhawa para sa mga mamamayan kung ang gobyerno ang mangangasiwa at magpapatakbo sa pangunahing serbisyo sapagkat ito ay magiging maayos at tiyak na abot kaya ang singil sa tubig.

Ayon sa dating senador, ang pagtatatag ng Department of Water Resources (DWR) ay naglalayong ma-regulate at mapanagot ang mga kompanyang lumalabag sa kasunduan sa gobyerno sa pamamagitan ng paniningil ng sobra-sobra sa kanilang mga consumers.

“Noon ko pa isinusulong ang pagtatatag ng Department of Water Resources (DWR) na siyang mangangasiwa aa lahat ng ahensiya na may kinalaman sa patubig. Sa ganitong paraan, magkakaroon tayo ng malinaw na pamantayan at mas mahigpit na regulasyon para mapanagot ang mga kompanyang lumalabag sa kasunduan,” wika nito.

To God be the Glory