Calendar

Korte binigyan ng higit 2 linggo Taguig para buksan mga pasilidad sa EMBO
MAY higit na dalawang linggo pa ang Lungsod ng Taguig para buksan at ayusin ang mga pampublikong pasilidad sa mga barangay ng Enlisted Men’s Barrio (EMBO).
Ito’y matapos magdesisyon ang Taguig Regional Trial Court nitong Huwebes na palawigin ang bisa ng Temporary Restraining Order laban sa Lungsod ng Makati.
Kasabay nito, inutusan din ng korte ang Makati na huwag hadlangan ang Taguig sa pagsasaayos ng mga pasilidad.
Nitong May 8, 2025 ibinaba ng korte ang extension na nagpapalakas sa karapatan ng Taguig na pamahalaan ang mga pasilidad, base sa desisyon ng Korte Suprema noong 2021 na nagtalaga sa Taguig na siyang may hurisdiksyon sa mga EMBO barangay.
Ikinatuwa ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang unang TRO na inilabas noong May 6. Aniya, marapat lang ito dahil patuloy na hindi sumusunod ang Makati sa desisyon ng Korte Suprema.
“Malinaw ang utos ng korte na sa hurisdiksyon ng Taguig ang EMBO barangays at dapat makinabang ang mga tao sa mga pasilidad na matagal nang ginawa para naman talaga sa kanila,” wika ni Cayetano sa isang video sa Facebook.
Ibinigay ang TRO bilang tugon sa biglaang pagpapasara at paghihigpit ng Makati noong 2024 sa ilang pampublikong pasilidad tulad ng health centers, day care, at recreational areas sa mga EMBO barangay.
Pinuri ni Cayetano ang TRO dahil pinayagan nito ang mga opisyal ng Taguig na muling buksan ang mga pasilidad ng EMBO para sa publiko nitong May 7.
“Tagumpay ang mga residente ng EMBO! Magagamit na ang mga pasilidad na itinayo gamit ang buwis ng mga taga-EMBO para sa mga residente ng EMBO,” wika ng alkalde.
Nakatakda ang susunod na pagdinig sa May 15 para talakayin kung bibigyan ng preliminary injunction ang Taguig para magpatuloy sa pamamahala ng mga pasilidad habang hindi pa tapos ang kaso.