Calendar

17 days of peace: May liwanag na para sa EMBO
“WHEN it rains, it pours,” ‘ika nga, at sa pagkakataong ito, biyaya ang bumuhos para sa mga taga-EMBO.
Mula sa 72 oras na Temporary Restraining Order (TRO) ng Taguig Regional Trial Court laban sa pakikialam ng Makati sa mga pampublikong pasilidad sa EMBO barangays, pinalawig ito ng korte at ginawa nang labing-pitong araw.
Sa bagong kautusan ng korte nitong May 8, malinaw na ipinag-utos na tigilan na ng Makati ang panghihimasok at hayaang ipagpatuloy ng Taguig ang pamamahala sa mga pasilidad gaya ng health centers at day care centers.
Ito ay bilang pagsunod sa desisyon ng Korte Suprema noong 2021 na nagtatakda sa Taguig bilang may legal na hurisdiksiyon sa mga nasabing lugar.
Malaking ginhawa ito lalo na sa mga residenteng ilang buwan ding naipit sa alitan. Isipin niyo na lang ang epekto nang pansamantalang maisara ang mga pasilidad: ang kalituhan ng mga magulang kung saan ililipat ang kanilang mga anak sa eskwela, ang pangambang mawalan ng benepisyo, at ang mga manggagawang di alam kung sino ang magbabayad ng kanilang sweldo.
Kaya’t ang pagpapalawig ng TRO ay hindi lang legal na tagumpay kundi first step ng Lungsod ng Taguig tungo sa malinaw, maayos, at maayos na pamumuno sa EMBO barangays. Mayroong mahigit dalawang linggo para ayusin ang transition, maglatag ng konkretong plano, at tiyaking maibabalik ang tiwala ng mga residente.
At sa pamumuno ni Mayor Lani Cayetano, tiwala tayong magagamit ito nang buong husay at may pusong serbisyo.