Martin

Speaker Romualdez: Wagi ng Lakas-CMD, senyales na gusto ng Pinoy ng mga lider na una serbisyo kesa sarili

31 Views

NANALO ang maraming kandidato ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) sa katatapos na midterm elections mula Luzon hanggang Mindanao, na lalo umanong nagpatibay sa posisyon nito bilang nangungunang puwersang pampulitika sa bansa.

Batay sa inisyal na ulat mula kay Lakas-CMD Executive Director Anna Capella Velasco, ipinakita ng internal monitoring system ng partido na nanalo ang kanilang mga kandidato sa mga sumusunod na posisyon:

• 1 puwesto sa Senado

• 104 na puwesto sa Mababang Kapulungan

• 15 gobernador

• 22 bise gobernador

• 24 alkalde ng lungsod

• 23 bise alkalde ng lungsod

• 385 alkalde ng bayan

Ayon kay Velasco, patuloy pang kinukumpirma ang resulta mula sa 26 na lugar kabilang ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) gaya ng Lanao del Sur at Maguindanao del Norte, gayundin sa Region IX (Sulu) at Region X (Lanao del Norte), at inaasahang lalabas ang kompletong listahan sa mga susunod na araw.

Inilarawan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, pangulo ng Lakas-CMD, ang resulta ng halalan bilang isang malinaw na pahayag ng pagtitiwala sa pamumuno at dedikasyon ng partido sa paglilingkod sa publiko.

“This is not just a win for Lakas-CMD. This is a strong signal from the Filipino people: they want steady hands, clear direction, and leadership that puts service above self,” ani Speaker Romualdez.

Bilang isang abogado mula sa University of the Philippines (UP) at pangulo ng Philippine Constitution Association (Philconsa), binigyang-diin ni Romualdez na ang mandato ng taumbayan ay hindi dapat basta ipagdiwang, kundi tanggapin nang may kababaang-loob at mas malalim na pananagutan.

“We are being called to do more—to govern better, to listen harder, and to deliver faster. That’s exactly what we intend to do,” wika ng Speaker.

Idinagdag ni Romualdez na ang lakas ng Lakas-CMD ay hindi lamang nakasalalay sa bilang ng kanilang pagkapanalo, kundi sa patuloy na pagtitiwala ng mga mamamayan sa bawat lalawigan, lungsod at bayan.

“From the northern tip of Luzon to the southern reaches of Mindanao, the message is the same: the people want continuity, they want performance, and they want public servants they can count on,” aniya.

Ayon kay Speaker Romualdez, ang tagumpay ng mga kandidato ng Lakas-CMD ay patunay din na nais ng mga Pilipino na matuloy ang mga ginagawa at adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. patungo sa isang Bagong Pilipinas.

“We are here not just to win elections, but to change lives. This is the strength of a party that stands for unity, development, and real solutions,” pagtatapos ni Romualdez.