Calendar

Tagumpay ng batang maging mabuting mamamayan nakasalalay sa maagang pag-aalaga
MAHALAGANG adhikain ang pagtugon sa pangangailangan ng ating mga kabataan na siyang kinabukasan ng bayan.
Ito ang mariin na paniniwala ni Senador Sherwin Gatchalian kung saan ay malugod niyang tinanggap ang pagpirma sa Early Childhood Care and Development (ECCD) System Act (Republic Act No. 12199), isang mahalagang batas na layuning tiyakin ang maayos na pag-unlad ng mga batang limang taong gulang pababa.
Bilang pangunahing tagapagtaguyod ng panukalang batas sa Senado, iginiit ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagpapalawak ng Early Childhood Care and Development (ECCD) System upang maisakatuparan ito sa bawat lalawigan, lungsod, munisipalidad, at barangay sa bansa.
Sa ilalim ng batas, magiging sistematiko na ang pagbibigay ng mga programang tumutugon sa kalusugan, nutrisyon, maagang edukasyon, at serbisyong panlipunan para sa mga bata sa kanilang kritikal na yugto ng paglaki.
Mula sa dating limitadong saklaw, ang ECCD System ay magiging ganap nang ipatutupad sa buong bansa, sa pangunguna ng mga lokal na pamahalaan (LGUs). Inaatasan silang maglaan ng pasilidad, tauhan, at serbisyo, kabilang ang pagtatatag ng hindi bababa sa isang Child Development Center (CDC) sa bawat barangay. Bahagi rin ng batas ang paglikha ng mga plantilla position para sa mga Child Development Workers (CDWs) at Child Development Teachers (CDTs).
Binigyang-diin ni Gatchalian na ang pagbibigay ng dekalidad na serbisyo para sa mga batang wala pang limang taong gulang ay mahalagang hakbang tungo sa mas matibay na kinabukasan.
“Mahalaga ang pagpapatatag ng pundasyon ng ating mga kabataang wala pang limang taong gulang, lalo na’t nakasalalay dito ang kanilang kakayahang matuto at magtagumpay bilang mga mamamayan,” aniya.
Batay sa mga ulat, maraming bahagi ng bansa ang kulang sa access sa pormal na programa para sa maagang pag-unlad ng bata, lalo na sa mga liblib at mahihirap na komunidad. Layunin ng RA 12199 na punan ang kakulangang ito sa pamamagitan ng pagtiyak na ang bawat batang Pilipino ay may pantay na oportunidad sa edukasyon at pag-aaruga mula sa pagkabata.
Pinalalakas ng batas ang ugnayan sa pagitan ng ECCD Council at ng mga LGU para sa pagbibigay ng technical assistance, pagsasanay, at pagpapanatili ng kalidad ng mga programa. Bagama’t iaasa pa sa pambansa at lokal na pondo ang mga gastusin, malinaw na nakasaad sa batas na dapat bigyang-priyoridad ang maagang pag-unlad ng bata sa pagpaplano at pagbabadyet.
Ang pagkakapasa ng RA 12199 ay isa na namang tagumpay sa mas malawak na adbokasiya ni Gatchalian para sa edukasyong pantay at inklusibo, na may layuning isulong ang pangmatagalang kaunlarang pantao sa bansa.