Calendar

Insidente ngayong halalan bumaba ng 56% — PNP
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking ligtas, maayos, tapat, at patas ang halalan, iniulat ng Philippine National Police (PNP) ang malaking pagbaba ng election-related violence nitong nakalipas na 2025 National and Local Elections.
Batay sa pinakahuling datos, 46 Election-Related Incidents (ERIs) ang na-validate ng PNP — bumaba ito ng 56 percent kumpara sa 105 insidente na naitala noong 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay PNP chief, General Rommel Francisco D. Marbil, ang pagbabagong ito ay bunga ng kanilang mas pinaigting na seguridad, matibay na koordinasyon sa Commission on Elections at Armed Forces of the Philippines at maagap na pag-deploy ng mga tauhan sa mga election areas of concern.
“Ang pagbaba ng mga insidente ngayong halalan ay patunay ng paninindigan upang tuparin ang hangarin ng ating Pangulo para sa isang demokratikong proseso na malaya sa takot, pananakot, at karahasan. Buong tapang at dedikasyon ang ipinakita ng ating kapulisan para protektahan ang integridad ng halalan at kaligtasan ng publiko,” sinabi ng Hepe ng Pambansang Pulisya.
Noong 2023 BSKE, naitala ang pinakamataas na bilang ng ERIs sa mga nakaraang taon—tumaas ng 289 percent mula 27 incidents noong 2022 National and Local Elections, patungong 105 noong 2023.
Ang pagtaas ay dulot ng matinding personal at lokal na tensyon sa barangay level, kung saan kadalasan ay nag-uugat sa away-pamilya o alitan sa komunidad. Kahit may malawakang seguridad, naging hamon ang lawak ng halalan na sumaklaw sa mahigit 42,000 barangays.
Nanguna ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na may 57 insidente, sinundan ng Region 10 sa Northern Mindanao na may 15 insidente at Region 8 sa Eastern Visayas at Region 1 sa Ilocos-Pangasinan region na may tig-isang insidente.
Ayon sa PNP, mas naging maayos ang seguridad sa halalan nitong Lunes kung saan inakamataas ang naitalang ERIs sa Cordillera Administrative Region na may 13, sinundan ng BARMM (8) at Region 4-A sa Calabarzon (5).
Ang PNP, kahit anong demokratikong proseso man ito—BSKE man o NLE—ay buong pwersa ang ibinuhos pagdating sa dedikasyon, mula sa deployment ng mga tauhan, paggamit ng logistical resources, hanggang sa mga estratehikong hakbang para mapanatili ang integridad at kaayusan ng halalan, sinabi ni Gen. Marbil.
Ang 56 percent na pagbaba ng election-related incidents ngayong 2025 elections kumpara sa 2023 BSKE ay malinaw na patunay ng mas pinaigting at mas pinatatag na pagbabantay ng PNP, lalo na sa mga rehiyong itinuturing na areas of concern, dagdag pa niya.