Calendar

5 miyembro ng Salisi Gang arestado sa NAIA Terminal 1
LIMANG hinihinalang miyembro ng isang “salisi” gang na nambibiktima ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang naaresto noong Mayo 11.
Ito’y matapos ang ilang linggong masusing pagmamanman ng Airport Police Department (APD) ng Manila International Airport Authority (MIAA), sa mahigpit na koordinasyon ng New NAIA Infra Corp (NNIC).
Ang grupo ay iniuugnay sa serye ng mga nakawan mula Abril 28 hanggang Mayo 5, kung saan pangunahing binibiktima ang mga natutulog o abalang pasahero sa pagitan ng alas-10 hanggang alas-11 ng gabi tuwing may pagbabago ng seguridad.
Ang kanilang modus ay ang pag-abala ng isang kasamahan upang ilihis ang atensyon ng biktima, habang ang iba ay palihim na nagnanakaw ng mga hindi nababantayang bag o kagamitan.
Sa tinatayang 10 miyembro ng grupo, lima ang nahuli habang dalawa ang nakatakas matapos ang maikling habulan. Narekober mula sa mga suspek ang dalawang cellphone at isang laptop.
Tatlong kaso ang isinampa laban sa mga suspek—theft, resistance and disobedience to persons in authority, at attempted escape.
Patuloy ding iniimbestigahan ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang grupo sa iba pang krimen sa Kalakhang Maynila.
Pinuri ni MIAA General Manager Eric Jose Ines ang isinagawang operasyon.
“Ang matagumpay na pag-aresto na ito ay patunay ng dedikasyon ng ating airport police at ng matibay na ugnayan natin sa NNIC. Ipinapakita rin nito ang ating layunin na tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero at ang matibay nating paninindigan laban sa anumang uri ng kriminalidad sa NAIA,” aniya.
Sa isang abiso, hinimok ni APD Chief Col. Bing Jose ang mga pasahero na maging mapagmatyag, huwag iiwanan ang kanilang mga gamit, at agad i-report sa mga uniformed officers ang anumang kahina-hinalang kilos.
Hinikayat din niya ang mga naging biktima ng katulad na insidente na tumungo sa tanggapan ng APD, at tiniyak sa publiko na ginagawa ng airport police ang lahat upang mapanatiling ligtas ang paliparan at laging handang tumulong.