Calendar

Pagcor nag-ambag ng P12.67B sa kaban ng bayan
UMABOT sa P12.67 bilyon ang dibidendong ibinahagi ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa National Treasury para makatulong sa pagtataguyod ng bansa at pondohan ang mga pangunahing programa ng pamahalaan.
Ang halagang ito ay katumbas ng 75% ng netong kita ng ahensya noong 2024, mas mataas sa itinatakdang 50% sa ilalim ng Republic Act No. 7656 o Dividends Law.
“Our 75% dividends remittance is in line with Finance Secretary Ralph Recto’s directive to government-owned and controlled corporations (GOCCs) to advance an additional 25% dividend to support government spending,” ayon kay PAGCOR Chairman and CEO Alejandro H. Tengco.
Personal na iniabot ni Chairman Tengco ang tseke kay Deputy National Treasurer Eduardo Anthony Mariño sa isang seremonya ngayong Miyerkules, Mayo 14, sa PAGCOR Corporate Office sa Pasay City.
Sa kabuuang halagang ibinahagi ng PAGCOR, P8.45 bilyon dito ang mandatory share ng gobyerno habang ang P4.22 bilyon ay paunang bayad na maaaring ipangdagdag sa mga susunod na obligasyon.
Ayon kay Mariño, ang kontribusyon ng PAGCOR ay makatutulong nang malaki sa pagpopondo ng pamahalaan sa mahahalagang proyektong pang-imprastruktura, pangkalusugan, edukasyon, at serbisyong panlipunan.
“This substantial dividend contribution will go a long way in boosting our fiscal resources and furthering the administration’s development agenda,” aniya.