Calendar

PNP-ACG pinuri sa pagka-aresto ng nagbebenta ng pekeng gov’t ID, driver’s license
PINURI ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa matagumpay na pagkaka-aresto sa isang babae na sangkot sa paggawa at pagbebenta ng mga pekeng government identification card, kabilang na ang driver’s license.
Ayon kay Asec. Mendoza, nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng kumpirmadong ulat ukol sa talamak na pagbebenta ng mga pekeng ID sa Valenzuela City, partikular na ng mga Persons with Disability (PWD) cards na maaaring gamitin upang makakuha ng 20% diskwento sa ilang produkto at serbisyo.
Nadiskubre ang ilegal na aktibidad ng suspek matapos mabatid na ino-offer nito sa social media at iba pang online platform ang paggawa at pagbebenta ng iba’t ibang klaseng ID.
Sa isinagawang surveillance, napag-alamang kabilang sa mga pinepeke ay mga driver’s license at iba pang dokumento mula sa LTO.
“Mula rito, agad kaming nakipag-ugnayan sa PNP-ACG upang isagawa ang operasyon, at nagresulta ito sa pagkaka-aresto ng taong nasa likod ng ilegal na aktibidad na ito,”ani Asec. Mendoza.
Ang operasyon ay isang joint operation ng PNP-ACG, Persons with Disability Affairs Office (PDAO), at LTO.
Naaresto ang isang 29-anyos na babae, at ayon kay Asec. Mendoza ay patuloy ang imbestigasyon upang matukoy at maaresto rin ang mga kasabwat nito.
Kabilang sa mga nakumpiska mula sa suspek ay ang isang cellphone unit na Infinix S25 X660C kulay berde; isang UMID Identification Card ng suspek na may CRN. 0111-7536310-5; dalawang totoong ₱100 bill na may serial number: DWH12844 at ARH38754 na isinama sa boodle money; walong piraso ng pekeng PWD ID at dalawang pekeng driver’s license.
Ang mga nasabat na ebidensiya ay gagamitin sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Article 172 (Falsification by private individual and use of falsified documents) ng Revised Penal Code, kaugnay ng Section 6 ng Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
“Pinupuri ko ang PNP-ACG sa mahusay na pagkakagawa ng kanilang tungkulin. Isa itong patunay ng matibay na koordinasyon at pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno upang mapigil ang ganitong uri ng ilegal na gawain, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa pamamagitan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon,” ani Asec. Mendoza.
Nagbabala rin siya sa mga gumagawa ng kaparehong ilegal na aktibidad na itigil na ito o humarap sa batas.