Landslide Source: Screen grab mula GMA News video

Lupa gumuho sa peryahan sa Cotabato, lalaki dedo

Zaida Delos Reyes May 14, 2025
20 Views

PATAY ang isang lalaki matapos na matabunan ng lupa ang peryahan na binabantayan nito nitong Martes ng hapon sa South Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Russel Pasawilan, 25, staff ng peryahan at residente ng Sitio Kamanga, Barangay Laguilayan, Isulan, Sultan Kudarat.

Naganap ang landslide sa isang relocation site sa Purok Bagong Buhay, Barangay Bunao, Tupi, South Cotabato.

Ayon sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO, natutulog ang biktima sa isang pwesto ng peryahan nang biglang gumuho ang lupa at natabunan ito.

Nadala pa ang biktima sa pagamutan subalit binawian din ito ng buhay dahil sa tama ng kahoy at bato sa ulo.

Sa inisyal na ulat, lumambot ang lupa sa lugar dahil na rin sa sunod-sunod na pagbuhos ng ulan.

Sa ngayon, patuloy ang ginagawang pagbabantay ng mga kawani ng MDRRMO sa lugar upang masigurong ligtas ang kalagayan ng mga residente malapit sa gumuhong lupa.