Madrona

Madrona matagumpay na nakuha 3rd termino bilang kongresista ng Romblon

Mar Rodriguez May 15, 2025
16 Views

MATAGUMPAY na nakuha ni Romblon Lone District Congressman-Elect Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang kaniyang ikatlong termino bilang Kinatawan ng kanilang lalawigan matapos nitong maungusan ang kaniyang mga nakatunggali sa kakatapos pa lamang na 2025 mid-term elections noong nakaraang Mayo 12.

Dahil dito, taos pusong nagpasalamat si Madrona, chairman ng House Committee on Tourism, sa kaniyang mga kababayan at libo-libong suporters na tumulong sa kaniyang pagakaka-panalo kasunod ang kaniyang pangako sa pagpasok ng 20th Congress.

Sabi ng kongresista na kaniyang ipagpapatuloy ang mga programa at adbokasiya na kaniyang isinulong noong 18th at 19th Congress partikular na ang paghahain ng panukalang batas na makakatulong para mai-angat ang pamumuhay ng mga Romblomanon.

Sa nakalipas na halalan sa Romblon para sa posisyon ng pagka-kongresista, nakakuha si Madrona ng 102,978 na boto o 48.73% malayong-malayo sa kaniyang nakatunggali na si Vivien Carmona na nakakuha lamang ng 18,581 o 8.79%.

Naniniwala si Madrona na ang kaniyang pagkaka-panalo bilang Kinatawan ng Romblon sa pangatlong pagkakataon ay resulta lamang umano ng malaking tiwala sa kaniya ng kaniyang mga kalalawigan bunsod narin ng mga programa at proyektong naisulong nito.

Pagbibigay diin pa ni Madrona na hindi lamang naman ang pagsasa-ayos ng turismo ng ating bansa ang kaniyang pinagkaka-abalahan sa Kamara de Representantes kundi pati narin ang pagtutok sa mga pangunahing pangangailangan ng Romblon.

Tiniyak din ng mambabatas na ipagpapatuloy din nito sa pagpasok ng 20th Congress ang pakikipag-laban para sa karapatan ng mga mangingisda na ginigipit at hina-harass ng China sa West Philippine Sea (WPS) bilang Vice-Chairman ng House Committee on Transportation.