Mendoza

LTO nilusob bentahan ng segunda mano na right hand drive na sasakyan

Jun I Legaspi May 18, 2025
40 Views

SA direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na habulin ang lahat ng banta sa kaligtasan sa kalsada, sinalakay ng Land Transportation Office (LTO) ang isang establisyemento sa Quezon City na umano’y nagbebenta ng segunda-manong right hand drive na mga sasakyan.

Ang operasyon, na sinuportahan ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD), nagsimula mula sa pagsubaybay sa social media tungkol sa nasabing transaksyon.

Ayon kay LTO chief Atty. Vigor Mendoza, sangkot sa pagbebenta ng mga segunda-manong sasakyan na right-hand drive ang na-raid na establisyemento.

“Batay sa batas, ang mismong presensya ng mga right-hand drive na sasakyan sa bansa labag sa batas dahil hindi dapat sila naipapasok dito,” paliwanag ni Mendoza.

Nakasaad sa RA 8506, o An Act Banning the Registration and Operation of Vehicles With Right-Hand Steering Wheel in any Private or Public Street, Road or Highway,” na: Ipinagbabawal ang pag-import, pagpaparehistro, paggamit, o pagpapatakbo ng anumang sasakyang may manibela sa kanang bahagi sa anumang highway, lansangan, o kalsada, pribado man o pampubliko at kabilang ang mga kalsadang pinamamahalaan ng gobyerno, lokal man o pambansa.

Humingi ng tulong ang hepe ng LTO-Intelligence and Investigation Division na si Renante Melitante sa mga pulis at noong Mayo 15, bumisita sila sa Faequip Corporation Yard na matatagpuan sa San Pedro Compound 5, Tandang Sora, Quezon City.

Kinumpiska ang mga dokumento ng LTO, kabilang ang mga sertipiko ng pagpaparehistro, para sa mas malalim na pagsisiyasat, kasama ang dalawang trak na right-hand drive.

Sinabi ni Asec Mendoza na sasailalim sa inspeksyon ang dalawang trak upang matukoy kung binago ang numero ng makina at chassis.

“Mayroon na kaming nakalap na paunang impormasyon na ang pagpaparehistro ng mga sasakyang ito dumaan sa isang hindi pangkaraniwang proseso at nais naming matukoy ang lahat ng taong sangkot dito,” dagdag pa ni Mendoza.

“Hindi natin ito palalampasin. Tulad ng sinabi ni DOTr Secretary Vince Dizon, hindi papayag ang pamahalaan sa ganitong maling gawain,” ani Asec Mendoza.