Barbers Gov. Robert Lyndon Barbers

Mga Barbers nagpasalamat sa pagkapanalo sa Surigao del Norte

21 Views

NANALO ang mga miyembro ng pamilya Barbers sa Surigao del Norte sa gubernatorial at congressional race sa ikalawang distrito sa katatapos na midterm elections.

Idineklara ng Provincial Board of Canvassers ng Commission on Elections ang pagkapanalo nina incumbent Gov. Robert Lyndon Barbers at Rep.-elect Bernadette Barbers, asawa ni outgoing Rep. Robert Ace Barbers, isang araw matapos ang halalan.

Kapwa nagpasalamat sina Robert Lyndon at Bernadette sa suporta ng mga mamamayan ng Surigao del Norte, karamihan sa kanila ay matagal nang tagasuporta ng angkan simula pa noong dekada ’90 sa panahon ng yumaong Sen. Robert “Bobby” Barbers, na nagsilbi ring kongresista ng SDN at kalihim ng Department of the Interior and Local Government.

Batay sa ulat mula sa Halalan 2025 countdown ng ABS-CBN (hanggang 12:21 n.h., Mayo 15, 2025), nakakuha si Robert Lyndon ng kabuuang 173,037 boto, may kalamangang 5,803 boto laban sa katunggaling si Bingo Matugas na may 167,234 boto para sa pagka-gobernador.

Samantala, nakakuha si Bernadette Barbers ng 123,091 boto, at tinalo ng 24,042 boto ang katunggaling si Jun Jun Egay na nakakuha lamang ng kabuuang 98,639 boto.

Ang kaalyado ng mga Barbers at incumbent Surigao City Mayor na si Paul Dumlao ay tinalo rin ang kalabang si Nitoy Matugas ng 24,096 boto, kung saan nakakuha lamang si Matugas ng 33,304 boto.

Ang paalis nang tatlong-termer na si Congressman Robert Ace Barbers ay nagtrabaho nang labis, gamit ang kanyang kapangyarihan at impluwensiya upang hikayatin ang mga kababayan niyang huwag padadala sa mga hungkag na pangakong pulitikal ng kanilang mga kalaban sa lalawigan.

“Despite our wins, I am convinced that something still happened along the way in the electoral processes in the province, that there is some sort of an anomaly which I am still trying to find out or figure out. Why? Because we all were expecting huge leads in the number of votes over our rivals in the mainland Surigao del Norte,” aniya.

“And we also put up a good fight over towns in Siargao Island despite knowing the place is our rival’s bailiwick,” dagdag pa niya.

Nagpasalamat sina Robert Lyndon, Bernadette, at Robert Ace sa Diyos para sa kanilang tagumpay at nangakong pagbubutihin pa ang pamamahala sa lalawigan.