Lacuna

Mga kawani, opisyal ng Manila City Hall pinasalamatan ni Lacuna sa maayos na pamamahala

Edd Reyes May 19, 2025
14 Views

DUMALO si Manila Mayor Honey Lacuna sa flag ceremony sa city hall para pasalamatan ang lahat ng mga opisyal at kawani sa kanilang maayos na pamamahala at pag-iingat sa mga pag-aari ng lungsod.

Naging punong-abala sa seremonya ang City General Services Office (CGSO) na ang tungkulin ang pangalagaan ang lahat ng pag-aari ng Maynila.

“Napakabigat po ng inyong tungkulin, hindi po masusukat, dahil alam naman po natin na responsibilidad po nila na ang bawat kagamitan. Personal man o pag-aari ng lungsod kailangang nagagamit ng wasto, napapangalagaan, napag-iingatan at magagamit pa ng mga susunod,” pahayag ng alkalde.

Kinuha rin ni Mayor Lacuna ang opinyon ng mga kawani ng lokal na pamahalaan hinggil sa kanyang natuklasan na karamihan sa mga lungsod at isang munisipyo sa National Capital Region (NCR) bumalik na sa dating alas-8:00 hanggang alas-5:00 ang pasok ng kanilang trabaho.

Nagulat ang alkalde sa naging reaksiyon ng mga kawani ng lokal na pamahalaan na pawang nagpahayag ng pagtutol na muling bumalik sa dating oras ng pasok.

“Early riser din kayo kagaya ko? Paano ba ‘yan? Sige, hangga’t nandidito ako, alas-7 ang pasok ninyo,” ayon kay Lacuna na mas importante sa mga empleyado ang maagang makauwi sa kani-kanilang pamilya.