Defensor House Deputy Majority Leader Lorenz Defensor

Di kailangan ng bloodbath sa impeachment trial — Defensor

22 Views

HINDI “bloodbath” tulad ng pagsasalarawan ni Vice President Sara Duterte ang magaganap na impeachment trial sa Senado, dahil para ito sa paghahanap ng katotohanan at pananagutan.

Ito ang tugon ni House Deputy Majority Leader Lorenz Defensor, isang miyembro ng House prosecution panel, sa naging pahayag ng Bise Presidente na nais nitong maging madugo ang impeachment trial.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Defensor na parehong dapat maging handa ang prosecution at defense panels sa paglalahad ng kanilang kaso sa Senado, na magsisilbing impeachment court sa pagbubukas ng ika-20 Kongreso.

Ayon kay Defensor, magiging mas madali para sa taumbayan na tanggapin ang anumang kalalabasan ng paglilitis—maging guilty man o hindi ang hatol kay Duterte.

“Maganda sigurong sabihin natin na ‘winner takes it all’ ang impeachment trial na ito. Hindi kailangan maging bloodbath. Gusto natin malinaw lang ang pagkakalatag ng ebidensya ng prosecution at ng defense teams,” ayon kay Defensor.

Dagdag pa ng mambabatas: “Gusto ko makita na handa si Vice President para sakaling ma-acquit siya… madaling tanggapin ng taumbayan, madaling tanggapin ng 215 members of Congress who signed the impeachment complaint. At sana, ‘wag pakialaman ng ating Korte Suprema ang impeachment. This is a purely political process.”

Matatandaan na noong Pebrero, bago mag-adjourn ang sesyon, pinagtibay ng Kamara de Representantes ang Articles of Impeachment laban kay Duterte matapos itong pagtibayin ng nakararaming miyembro.

Inakusahan si Duterte ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust dahil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) na hindi nito sinagot sa mga pagdinig ng Kamara.

Binigyang-diin ni Defensor na ang impeachment ng isang mataas na opisyal ay hindi isang judicial proceeding, kundi isang political process na pinamamahalaan ng Konstitusyon at nasa kapangyarihan ng lehislatura.

“It is a political question na dapat sagutin ng mga nahalal na senador at mga kongresista, at ‘di dapat pakialaman ng Korte Suprema,” giit niya.

“Kung wala namang grave abuse of discretion on the part of the House or the Senate, I am confident na our Supreme Court will respect the separation of powers,” dagdag ni Defensor.

Naipadala na ng Kamara ang Articles of Impeachment sa Senado, at ayon kay Defensor, wala nang puwang para sa anumang mosyon na ibasura o bawiin ang kaso.

“Kapag nai-transmit na ng House ang Articles of Impeachment sa Senado, nakalagay sa ating Konstitusyon that the trial shall proceed forthwith. Hindi pwedeng mag-motion to dismiss sa isang impeachment complaint dahil ito ay isang national inquest,” paliwanag ng kongresista.

Sinagot din ni Defensor ang mga haka-haka na maaaring may mambabatas na babawi sa suporta sa reklamo o maghain ng mosyon para bawiin ito, na aniya’y malabong mangyari dahil makasisira lamang ito sa kredibilidad ng proseso.

“Maaaring may magsubok niyan, pero hindi ko nakikitang papayagan pa ‘yan ng Kongreso, lalo na ng Senado. Hindi rin maganda ‘yon para kayong nagbalimbing sa sarili ninyong impeachment complaint,” ayon pa kay Defensor.

Nang tanungin ukol sa pahayag ni Duterte na walang sapat na ebidensya laban sa kanya, sinabi ni Defensor na kampante ang House panel sa lakas ng kanilang kaso.

“Confident kami, kaya sinasabi ko na instead of a bloodbath, gusto namin winner takes all,” giit ni Defensor.

Ipinaliwanag niya na ang impeachment trial ay hindi sumusunod sa mahigpit na pamantayan ng ebidensya ng mga kasong kriminal o sibil. Sa halip, ang mga senador na magsisilbing hukom ay kailangang gumamit ng konsensya at sariling paghatol sa pagsusuri ng mga ebidensyang ihaharap.

Tungkol naman sa nakabimbing petisyon ng kampo ni Duterte sa Korte Suprema para ipatigil ang trial, nanindigan si Defensor na hindi dapat makialam ang mataas na hukuman maliban na lamang kung may malinaw na grave abuse of discretion mula sa Kongreso.

“Abangan natin kung sa palagay ng Supreme Court ay may grave abuse of discretion… pero I am confident na ang ating Korte Suprema will respect the separation of powers,” giit pa ni Defensor.

Sa huli, sinabi ni Defensor na ang impeachment trial ang tanging paraan para matapos ang kontrobersya.

“Mas magandang matuloy na ito, matapos, at may closure ang Pilipinas. Kung sasabihin ng senator-judges natin na walang kasalanan ang Vice President, napakadaling tanggapin ‘yun ng mga miyembro ng Kongreso at katunggali niya. Pero kung may pananagutan siya, dapat ring tanggapin ang desisyon,” anang mambabatas.

“Winner takes all tayo sa impeachment trial na ito para mas madaling tanggapin ang magiging resulta,” ayon pa kay Defensor.