Husky

Siberian Husky nakagat tandang ni bgy chairman, dinedo sa palo

17 Views

DEDO noong Sabado ang isang Siberian Husky matapos umanong hatawin sa ulo ng barangay chairman sa Brgy. Bungahan, Cuenca, Batangas.

Bandang alas-5:30 ng hapon ng Mayo 18, nagpunta nang personal ang may-ari ng isang Siberian Husky na si Alma, 42, nakatira sa nasabing barangay, at nag-file ng reklamo laban sa mga suspek sa Cuenca Municipal Police Station.

Tumakas na umano ang suspek na si alyas Elmer, ang 50-anyos na barangay captain, at mga tanod na sina alyas Rodolfo at Edison.

Ayon kay Alma, bandang alas-11:20 ng gabi ay nakawala sa kulungan at pumasok ang aso sa bakuran ng suspek at kumagat ng isang tandang.

Nakita ng suspek ang pangyayari kaya hinila ang aso at sinaktan gamit ang kahoy. Tinawag umano ng suspek ang dalawang barangay tanod upang dalhin ang aso sa dog pound ng barangay.

Ilang oras pa ang lumipas, ini-report umano ng suspek sa nagreklamo na patay na ang kanyang aso at dapat itong kunin sa dog pound.

Dinala ang aso sa FMH Animal Clinic at doon sinabi ni Janet Bongotan, attending veterinarian, na ang blunt trauma sa kaliwang parte ng ulo sa may bahagi ng mata ang ikinamatay ng aso, dahil sa matinding hyphemia at proptosis ng eyeball.

Paglabag sa Republic Act No. 10631 o ang Philippine Animal Welfare Act of 2013 ang inihahanda ng kapulisan na isasampang complaint laban sa mga salarin.