Marines

PMC pinuri ni PBBM sa pagsagip sa 10-anyos na bata sa pagkalunod

19 Views

PINURI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga miyembro ng Philippine Marine Corps (PMC) sa kanilang kabayanihan matapos nilang sagipin ang isang 10-taong-gulang na batang muntik nang malunod sa Madlum River sa Bulacan noong Marso.

Tinawag ni Pangulong Marcos ang kanilang ginawa bilang tunay na pagpapakita ng kabayanihan, katungkulan at malasakit sa kapwa.

Partikular na kinilala ng Pangulo sina Corporal Jestoni Dalman at Private First Class Jaypee Navales, kapwa Scout Sniper Candidates, na noon ay patungo sana sa isang site survey para sa training activity nang makita ang pangyayari at agad tumugon upang iligtas ang bata.

“Isa itong patunay sa ating lahat na ang tunay na bayani ay kumikilos hindi lang dahil kinakailangan, kundi dahil din sa katapatan sa tungkulin at sa pagmamahal sa kapwa,” ani Pangulong Marcos.

Sa isang Facebook post ng PMC, ikinuwento na nakita nina Dalman at Navales ang isang grupo ng tao sa gilid ng ilog. Doon nila nadiskubreng walang malay ang bata matapos itong hilahin palabas ng tubig ng isang bystander.

Si Navales, na may training sa Basic Life Support, ang agad nagsagawa ng CPR o cardiopulmonary resuscitation hanggang dumating ang mga medical responder.

Dahil sa mabilis na tugon ng mga lokal na health units at ng First Scout Ranger Regiment, idineklarang nasa stable condition ang bata. Ang kanilang ginawa ay malinaw na pagpapakita ng dedikasyon ng mga Marines sa tungkulin at serbisyo sa publiko.

Binigyang parangal din ni Pangulong Marcos si Intelligence Specialist Third Class Jeff C. Villanueva bilang Enlisted Personnel of the Year, at si Architect Sherwin T. Cornejo bilang Civilian Human Resource of the Year (Supervisor Category).

“Ang inyong natatanging tapang, galing, at husay ay nagbigay ng karagdagang lakas at inspirasyon sa buong Hukbong Dagat,” ani Pangulong Marcos.

Binati rin ng Pangulo ang Philippine Navy sa kanilang ika-127 anibersaryo at kinilala ang matibay na pundasyong binuo ng katapangan at determinasyon ng mga kalalakihan at kababaihan ng institusyon, na sa loob ng mahigit isang siglo ay nakahubog nang malalim sa kapalaran ng bansa.

“At hanggang ngayon, ipinapakita ng Hukbong Dagat ng Pilipinas na ang serbisyo ay hindi lang bahagi ng ating kasaysayan, bahagi rin ito ng ating kasalukuyan,” dagdag pa ng Pangulo. PCO