BBM

Pamumuno ni Marcos na nakatuon sa pagkakaisa pinuri

19 Views

PINURI ni Senator-elect Panfilo “Ping” Lacson si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang istilo ng pamumuno na nakatuon sa pagkakaisa, pagkakasundo at kabaitan.

Ayon kay Lacson, ang Pangulo ay “hindi confrontational, hindi adversarial, hindi combative,” at inilarawan niya itong may likas na kabutihang-loob. Aniya, “Kindness at yung goodness of his heart. Ganun na siya talaga. Mahirap palitan ang kanyang traits, kanyang quality, being a really good person, talagang ganyan na siya.”

Samantala, iminungkahi ni Lacson na magtalaga si Pangulong Marcos ng isang matatag ngunit makataong opisyal sa Gabinete na maaaring gumanap bilang “bastonero.” Ang nasabing opisyal, ayon sa kanya, ay kailangang may kakayahang magpatupad ng disiplina at tiyakin ang maayos at may prinsipyo nang pamamahala.

Binigyang-diin na ang mungkahing ito ay batay sa kanyang karanasan bilang dating pinuno ng Philippine National Police (PNP).

Bagamat wala siyang binanggit na partikular na pangalan, inilahad ni Lacson na ang sinumang itatalaga bilang tagapagpatupad ng disiplina ay dapat may mataas na posisyon upang maging epektibo. Binanggit niya si Undersecretary Claire Castro bilang halimbawa ng isang may matibay na personalidad, ngunit ipinaalala niyang mas mainam kung ito ay mula sa mas mataas na ranggo upang tunay na makapanghikayat ng kaayusan sa administrasyon.

Samantala, kaugnay ng nalalapit na impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte, nanawagan si Lacson sa mga kapwa niya senador na gumanap bilang patas at independiyenteng hukom.

Hinikayat niyang itaguyod ang isang hatol na lubos na nakabatay sa ebidensya. “Dapat evidence-based, pure and simple. At the end of the day, sitting as a judge, dapat talaga evidence ang basehan,” giit niya.

Binigyang-babala rin niya ang posibilidad ng impluwensiya mula sa mga alyansa o sa opinyon ng publiko, at iginiit na ang anumang boto ng isang senador—pabor man o laban—ay dapat mapanindigan sa harap ng sambayanan. “So pananagutan mo yan sa mga tao, sa publiko,” dagdag pa niya.

Nang tanungin si Lacson sa naging pahayag ni VP Duterte na maaaring mauwi sa isang “bloodbath” ang impeachment trial, aniya ito ay dapat ituring na retorika at hindi literal.

Bilang pagtatapos, nanawagan si Lacson para sa isang Senado na tunay na malaya, bukas, may kakayahan, at may integridad bilang institusyon ng gobyerno.

Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng mga reporma na magpapatatag sa tiwala ng publiko, tulad ng pagbubukas ng mga bicameral conference committee meetings sa media. Para kay Lacson, ang isang transparent at accountable na pamahalaan ang susi sa muling pagkakamit ng tiwala ng taumbayan at integridad aniya ay dapat laging isa alang alang.