Marbil

2 Tsinong sangkot sa pagdukot, pagpatay kay Que, driver arestado na

Alfred Dalizon May 21, 2025
17 Views

ALINSUNOD sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa mga transnasyonal na krimen at upang mapanatili ang kaligtasan ng bawat Pilipino, ipinahayag ng Philippine National Police na nasa kanilang kustodya na ang dalawang Chinese nationals na nasasangkot sa pagdukot at pagpatay kay Anson Que at kanyang driver.

Ang dalawa ay idineklara na bilang mga ‘undesirable aliens’ na kasalukyang iniimbetigahan dahil sa paglabag sa mga batas ng imigrasyon at pagkakasangkot sa mga ilegal na aktibidad.

Binigyang-diin ni PNP chief, General Rommel Francisco D. Marbil ang kahalagahan ng pagbibigay-proteksyon sa bansa laban sa mga dayuhang ginagamit ang Pilipinas bilang taguan o tagpuan ng kanilang mga ilegal na gawain matapos mahuli ang dalawa.

“Hindi natin pahihintulutang gawing kanlungan ng mga dayuhang kriminal ang Pilipinas. Sa pagtutulungan ng ating mga ahensiya ng pamahalaan, sisiguraduhin natin na ang mga undesirable aliens ay matutukoy, maaaresto, at mapapalabas ng bansa alinsunod sa batas,” ayon sa Hepe ng Pambansang Pulisya.

Ang dalawang banyaga na sina Gong Wenli, na mas kilala sa alyas na Kelly Tan Lim, 27 taong gulang, at Wu Jiabing, 35 taong gulang, ay nahuli at inilagay sa kustodya ng PNP noong May 17 sa Aklan.

Pareho silang walang sapat na dokumento at itinuring bilang mga undesirable aliens dahil sa banta na kanilang dulot sa pambansang seguridad at kaligtasan ng publiko.

Ang pagkakasangkot ni Gong sa kidnapping-for-ransom case nina Congyuan Guo (kilala rin bilang Anson Tan o Anson Que) at driver nito na si Armanie Kuizon Pabillo ay napatunayan sa pamamagitan ng ebidensyang nakalap sa kasalukuyang imbestigasyon.

Kabilang sa mga ebidensyang ito ang CCTV footage at mga extra-judicial confession ng mga suspek na nasa kustodiya ng pulisya, kabilang na sina David Tan Liao at iba pa.

Samantala, si Wu Jiabing ay nahaharap naman sa hiwalay na mga kaso ng paghadlang sa katarungan (obstruction of justice) at pagkakanlong ng isang tumatakas sa batas (harboring a fugitive), bukod pa sa kanyang pagiging undocumented.

Ang dalawang banyaga ay sumailalim na sa inquest proceedings para sa kanilang paglabag sa mga batas ng imigrasyon at sila ay inendorso na sa Bureau of Immigration para sa kaukulang legal na aksyon at posibleng deportasyon.

Muling iginiit ng PNP ang kanilang matatag na paninindigan sa pagsunod sa batas at sa layunin nitong protektahan ang sambayanang Pilipino laban sa mga lokal at dayuhang banta sa seguridad.

Sinumang lalabag sa ating batas—anuman ang kanilang nasyonalidad—ay mananagot.