CPNP

CPNP Marbil sa kapulisan: Panahon na para bumalik tayo sa pundasyon ng tunay na paglilingkod

Alfred Dalizon May 21, 2025
21 Views

BILANG tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang propesyonalismo at muling makuha ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng pamahalaan, inilatag ni Philippine National Police chief, General Rommel Francisco D. Marbil ang kanyang programang ‘Go Back to Basics’ na naglalayong pagtibayin ang disiplina, paigtingin ang propesyonalismo, at tugunan ang mga suliranin sa loob ng PNP.

“Panahon na para bumalik tayo sa pundasyon ng tunay na paglilingkod,” diin ni General Marbil sa pagtatapos ng PNP Command Conference nitong Lunes. “Kung nais nating umusad bilang isang propesyonal na organisasyon, kailangang palakasin muna natin ang ating mga sistema at itama ang mga gawi na humahadlang sa ating pag-unlad,” anya.

Upang masiguro ang maayos at epektibong pagpapatupad, inutusan ni Gen. Marbil si PNP Deputy Chief for Administration, Lieutenant Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. na pangunahan at tutukan ang buong implementasyon ng kanilang “Go Back to Basics” program at tiyakin ang pagkakaisa, pagkakapare-pareho, at masusing pagsubaybay sa lahat ng antas ng organisasyon.

Unang-una sa recruitment, binigyang-diin ng Chief PNP na ang proseso ay dapat maging malinaw, patas, at malaya mula sa anumang uri ng iregularidad o impluwensiya.

Mariin niyang kinondena ang lahat ng iligal na gawi, at binigyang babala na hindi dapat maging batayan ang pera, palakasan, o koneksyon sa pulitika upang makapasok sa hanay ng kapulisan.

Ayon sa kanya, ang kredibilidad ng PNP ay nagsisimula sa kalidad ng mga bagong rekrut—yaong tunay na kuwalipikado, may kakayahan, at may puso sa serbisyo publiko.

Sa pagsasanay o traning naman, ipinaabot ni Gen. Marbil ang kanyang pagkabahala sa mga usaping pinansyal tulad ng pakikipagtransaksyon sa mga loan shark na nagpapahirap sa mga pulis na sumasailalim sa training.

Aniya, kailangang alisin ang mga mapagsamantalang sistema na nagpapabigat sa mga trainee, sapagkat sinisira nito ang kanilang moral, kapakanan, at integridad ng organisasyon.

Sa ground operations, iginiit ni Gen. Marbil ang kahalagahan ng pagbibigay ng sapat na kagamitan, suporta, at mga resources sa frontline units.

Kailangan aniyang palakasin ang kapasidad sa operasyon upang matiyak ang mabilis at epektibong pagtugon sa mga usaping pangkaligtasan ng publiko. Hinikayat rin niya ang mga commander na maging huwaran ng integridad at aktibong gabayan ang kanilang mga tauhan tungo sa disiplina at propesyonalismo sa kanilang mga tungkulin.

Sa schooling, ipinag-utos ni Gen. Marbil ang pansamantalang pagsuspinde ng mga Junior at Senior Leadership Courses at inatasan ang muling pagsusuri sa lahat ng mandatory training programs para sa mga opisyal at non-officers upang matiyak ang pag-akma nito sa mga layunin ng PNP.

Dagdag pa rito, ipinahinto rin ang lahat ng foreign training at educational trips upang mailaan ang pondo sa mga programang may higit na epekto. Ito ay nagpapakita ng kanyang determinasyon na gawing mas epektibo at makabuluhan ang edukasyon at pagsasanay sa PNP.

“Ang bawat pagsasanay, deployment, at polisiya ay dapat nakaangkla sa tunay na pangangailangan ng taumbayan at sa aktwal na sitwasyon sa ating paligid. Kailangang siguruhing may kabuluhan ang ating ginagawa para sa kapayapaan, kaayusan, at tiwala ng publiko,” aniya.

Muling iginiit ni Gen. Marbil na ang “Go Back to Basics” ay hindi lamang isang polisiya kundi isang matibay na pangako na ibalik ang mga pangunahing halaga ng serbisyo publiko.

“May pananagutan tayo—sa ating mga komunidad, sa ating mga kapwa pulis, at sa susunod na henerasyon ng mga alagad ng batas. Kailangang ayusin natin ang sistema mula sa loob. At nagsisimula ito sa mga batayang prinsipyo—katapatan, disiplina, at tunay na serbisyo,” kanyang pagtatapos.

Mananatiling matatag ang PNP sa pagsusulong ng mga reporma sa ilalim ng mahigpit na pangangasiwa ng pamunuan nito upang matiyak na ang bawat kasapi ng kapulisan ay tunay na kumakatawan sa integridad, serbisyo, at pananagutan, ayon kay PNP Public Information Office chief, Colonel Randulf T. Tuaño.