Calendar

Panawagan ni PBBM ng courtesy resignation sa Gabineta pinuri
SUPORTADO ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa courtesy resignation ng mga miyembro ng Gabinete—isang hakbang na tinawag niyang “magandang simula” sa pagbabalik ng tiwala ng publiko at pagpapahusay ng serbisyo-publiko.
Sa isang pahayag, pinuri ni Escudero ang Pangulo sa pag-ako ng pananagutan sa mga kinahaharap na hamon ng administrasyon. “I am thankful that he has acknowledged that there is a problem,” aniya, sabay turo na ang nasabing hakbang ay nagpapakita ng malasakit sa damdamin ng publiko at paninindigan sa pananagutan.
Binigyang-diin niyang kailangang muling ayusin ng burukrasya ang direksyon nito upang mas maayos na maipatupad ang mga programa ng pamahalaan. “Calling for the courtesy resignations of his official family is a good start,” dagdag pa niya. “The President cannot implement government programs by himself; kailangan niya ng mapagkakatiwalaang katulong, dapat meron siyang matinong katuwang.”
Gayunpaman, iginiit ni Escudero na hindi sapat ang simpleng reorganisasyon. Inilarawan niya ang hakbang bilang isang “mid-game substitution,” na dapat batay sa performance ng mga opisyal.
Nanawagan rin siya sa Pangulo na linisin ang hanay ng mga alyado sa politika—lalo na ang mga umano’y sumira sa kanyang reputasyon.
“He must distance himself from reckless allies who squandered his goodwill and burned through his political capital for selfish ends,” aniya.
Ang panawagan ay kasunod ng mga ulat ukol sa hindi epektibong pagpapatupad ng ilang programa ng gobyerno at masalimuot na resulta ng nakaraang midterm elections. Iniulat na kabilang sa mga nagsumite na ng courtesy resignation sina Executive Secretary Lucas Bersamin at Finance Secretary Ralph Recto. Ayon sa Malacañang, hindi ito mass firing kundi bahagi ng performance review.
Sa huli, nananawagan si Escudero ng pagkakaisa at kooperasyon. “Simula pa lamang ito. Ang mahalaga ngayon ay magtulungan tayong lahat—hindi para sa kapakanan ng anumang partido o politiko, kundi para sa kapakanan ng ating mga kababayan,” aniya.