Hontiveros

Mas malawak na pagkakaisa sa hanay ng oposisyon pinanawagan sa Senado

20 Views

NANAWAGAN si Senadora Risa Hontiveros ng masinsinan at mas malawak na pagkakaisa sa hanay ng isang tunay na oposisyon matapos ang midterm elections ng 2025.

Binibigyang-diin niya na ang susunod na siyam na buwan ay magiging mahalagang yugto upang makabuo ng mas matatag at pinagsama-samang puwersang pulitikal na maaaring tumapat sa administrasyon sa darating na halalan sa 2028.

Sa isang press forum sa Senado kamakailan, sinabi ni Hontiveros na nananatili siyang determinado sa pagbubuo ng isang seryosong alternatibo sa kasalukuyang pamahalaan at sa mga Duterte-aligned na grupo. Bagama’t may mga hamon sa pag-oorganisa sa iba’t ibang ideolohiya at samahan, iginiit niya na kailangang pag-isahin ang mga progresibong puwersa.

“Ang priority ko sa ngayon… pag-isahin talaga tungo sa isang layunin. Hamigin. I-consolidate to a greater degree than we were able to do after 2022,” pahayag niya.

Bilang paghimok, ginamit ni Hontiveros ang tanyag na linya mula sa pelikulang Field of Dreams:

“Naniniwala ako dun sa scene sa Field of Dreams na ‘If you build it, they will come.’”

Aniya, ang mga pundasyong nabuo mula sa pinagsamang kampanya at tagumpay ng mga kaalyado ay maaaring magsilbing simula ng isang mas organisadong kilusan.

“May mga unities na presumed among yung mga pwersa na nagsama-sama sa kampanyang ito… the kind of group that we will become mag-a-attract ng mga like-minded…”

Bagama’t wala pang pormal na kasunduan sa pagitan nina Senators-elect Kiko Pangilinan at Bam Aquino kaugnay ng pagbubuo ng isang opisyal na bloc, sinabi ni Hontiveros na nagsimula na ang mga talakayan.

“Nagsimula na kaming mag-usap last week para mag-level off ano yung magiging disposition ng bawat isa,” aniya.

Binigyang-linaw niyang personal niyang layunin ang pagkakaroon ng isang pinagsamang pagkilos:

“Basta ang sa akin, ang optimal senaryo ko ay magsama-sama kami.”

Nang tanungin kung bukas siya sa posibilidad na tumakbo bilang pangulo sa 2028, naging bukas ang kanyang sagot:

“I’m not saying no. I’m open to all possibilities… alang-alang sa oposisyon at alang-alang sa ating mga kababayan.”

Gayunpaman, iginiit ni Hontiveros na higit na mahalaga ang pagtitibay ng tiwala at koordinasyon sa hanay ng oposisyon kaysa maagang pagtukoy sa mga kandidato.

“Baka hindi pa yung slate per se, baka hindi pa frontrunner… pero kung magtatagumpay kami in the next nine months… then mas magkakapalagayan ng loob.”

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagbabalik-tanaw sa mga naging karanasan sa nakaraang halalan, partikular noong 2022.

Tinuran din ng Senadora ang mga sumusunod: “Yung mga lessons namin nung 2022, medyo may pagka-anecdotal pa rin kasi hindi pa namin natapos yung evaluation process noon,” paliwanag niya.

“Pero mag-eevaluation process kami dito sa performance namin sa 2025 midterm elections… Para ma-apply namin… sa mga susunod na electoral contests.”

Sa konsolidasyon ng oposisyon, nais din ni Hontiveros na palawakin ang saklaw ng pakikilahok — hindi lamang mula sa mga halal na opisyal kundi maging sa mga grassroots volunteers, partidong kaalyado, at mga organisasyong mula sa civil society.

“Yung pag-reach out sa mga pwersa ng isa’t isa… mga kaalyado sa iba’t ibang mga institusyon… gusto kong makapag-reach out sa mga kaalyado namin sa mga local government units,” dagdag niya.

Samantala, tiniyak din ng senadora mula sa Akbayan ang kanyang patuloy na pagtutulak ng mga pangunahing panukalang batas sa darating na ika-20 Kongreso. Kabilang dito ang muling paghahain ng SOGIESC Equality Bill, Anti-Teenage Pregnancy Bill, at batas kontra-POGO. Umaasa siyang magkakaroon ng mas malawak na suporta ang mga ito lalo na’t lumalala ang mga usapin sa human trafficking, digital scams, at hindi pagkakapantay-pantay sa ekonomiya.

Sa usaping ekonomiko at pambansang seguridad, iminungkahi rin ni Hontiveros ang pagsusuri ng Senado sa mga polisiya sa taripa, regional trade cooperation, at mga batas kontra-espionage bilang tugon sa mga panibagong banta mula sa ibang bansa.

Sa kanyang pagtatapos, binigyang-diin ni Hontiveros ang panawagan para sa pagkakaisa:

“Ang pinaka-pinaka-urgent sa mga importante sa ngayon is magkaisa these nine months.”

Sa pagtanaw sa halalan ng 2028, naniniwala si Hontiveros na may pagkakataon pa ring maitatag ang isang “mas malakas pa, mas consolidated, at mas may potential na tunay na oposisyon.”