Mendoza

LTO ipinatawag kompanyang nagbebenta ng right hand drive vehicles

Jun I Legaspi May 22, 2025
30 Views

SA direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na habulin ang mga lumalabag sa batas na naglalagay sa panganib sa kaligtasan sa kalsada, ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO), sa patnubay ni Department of Transportation Secretary Vince B. Dizon, ang may-ari ng kompanya sa Cebu dahil sa pagkakasangkot sa pag-aangkat at pagbebenta ng mga sasakyang right hand drive.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, nakapagpalabas na ang ahensya ng Show Cause Order (SCO) laban sa Cebu Titan Supplies bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon sa mga nakumpiskang right-hand vehicles sa isinagawang raid sa Quezon City noong nakaraang linggo.

Nagsimula ang imbestigasyon matapos magsagawa ng raid ang LTO Intelligence and Investigation Division, sa pamumuno ni Renante Melitante, katuwang ang mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD), sa isang bodega ng tindahan ng sasakyan matapos itong mamonitor sa social media na nag-aalok ng mga inaangkat na sasakyan.

Natuklasan ng mga awtoridad ang ilang second-hand na sasakyang may manibela sa kanan.

Kabilang sa mga nakumpiska ang mga dokumento mula sa LTO gaya ng certificate of registration, pati na ang dalawang right-hand drive na trak, para sa mas malalim na pagsusuri.

Dahil sa presensya ng mga dokumento ng LTO, agad na iniutos ni Asec. Mendoza ang masusing imbestigasyon.

Sa kalagitnaan ng pagsusuri, lumabas ang pangalan ng Cebu Titan Supplies bilang importer ng mga second-hand right-hand vehicles.

Sa SCO na nilagdaan ni LTO Executive Director Atty. Greg Pua Jr., inutusan ang kompanya na magsumite ng nakasulat na paliwanag kaugnay ng ulat mula sa intelligence at inisyal na imbestigasyon na nagsasabing ito ay sangkot sa panlilinlang at maling representasyon sa proseso ng aplikasyon at sa kanilang operasyon, kabilang na ang stock and sales reporting.

Batay sa imbestigasyon, lumalabas na ang kompanya nagsagawa ng Sales Reporting at Initial Registration ng apat na imported na right-hand vehicles sa Mindanao.

“Ang kabiguang magsumite ng sagot sa nasabing panahon ituturing na pagwawaksi sa karapatang ipagtanggol ang sarili, at ang kasong ito didinggin base sa mga ebidensyang hawak ng Tanggapan at maaaring patawan ng mga parusang nakasaad sa mga LTO Administrative Orders tulad ng suspensyon o pagkansela ng akreditasyon at multa,” dagdag pa rito.

Sa panig ni Asec. Mendoza, kanyang binigyang-diin na ang mismong presensya ng mga sasakyang may manibela sa kanan sa bansa ay labag sa batas sapagkat hindi dapat ito naiangkat sa umpisa pa lamang.

Sa kasalukuyan, ayon kay Asec. Mendoza, isinasagawa ang masusing imbestigasyon upang matukoy kung may mga tauhan ng LTO na sangkot sa pagpaparehistro ng mga right-hand vehicles.

“Hindi natin ito palalampasin. Gaya ng sinabi ni DOTr Secretary Vince Dizon, hindi papayag ang pamahalaan sa ganitong maling gawain,” dagdag pa niya.