SMOU Si House committee on overseas workers affairs chairperson at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre sa ginanap na Singapore Maritime Officers’ Union Manila Nite at Wavelink CadetsPlus Graduation ng Mayo 23 sa Shangri-La The Fort, Manila, kung saan inihayag niya ang paninindigan ng gobyerno na itaguyod ang kapakanan ng mga Pilipinong marino.

Acidre tiniyak makabuluhang reporma para sa PH marino

15 Views

Rep. Jude Acidre Rep. Jude AcidreMULING pinagtibay ni House committee on overseas workers affairs chairperson at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ang matibay na paninindigan ng pamahalaan na maisulong at maitaguyod ang karapatan at kapakanan ng mga Pilipinong marino, sa ginanap na Singapore Maritime Officers’ Union (SMOU) Manila Nite at Wavelink CadetsPlus Graduation noong Biyernes sa Shangri-La The Fort, Manila.

Kasama ang maritime leaders, industry stakeholders at mga pamilya ng mga nagsipagtapos na kadete, ipinagdiwang ni Acidre ang naging tagumpay ng 101 Pilipinong kadete—kabilang ang 12 kababaihan—na matagumpay na nagtapos sa CadetsPlus Programme.

Mula nang ilunsad ang programa noong 2008, mahigit 1,400 Pilipinong kadete na ang nakatapos sa mahalagang hakbang na ito patungo sa paghahanda ng kabataang Pilipino para sa maritime industry.

Pinuri ni Acidre ang higit limang dekadang paglilingkod ng SMOU sa pagtataguyod ng interes at kapakanan ng mga marino, partikular sa pamamagitan ng mga collective bargaining agreement na nagtitiyak ng makatarungan at disenteng kondisyon sa trabaho.

Ipinahayag din niya ang kanyang paggalang at pagkilala sa pamunuan ng SMOU na kinabibilangan nina Pangulong Rahim Jaffar, General Secretary Mary Liew, Emeritus General Secretary Thomas Tay at Singapore Ambassador Constance See.

Sa usapin ng mga polisiya, binigyang-diin ni Acidre ang mga kamakailang pagsulong ng reporma, kabilang ang pagpasa ng Magna Carta of Filipino Seafarers—isang makasaysayang hakbang na nagtataguyod ng institutionalized protection sa lahat ng yugto ng deployment ng mga marino.

“This landmark legislation secures their rights and strengthens their protection—at every stage of their journey: pre-deployment, on board, and upon return,” ayon kay Acidre.

Binanggit rin ng mambabatas ang kanyang pangamba tungkol sa isyu ng ambulance chasing—ang pagsasamantala sa kalagayan ng mga marino sa oras ng kanilang kagipitan—at binigyang-diin ang kahalagahan na matiyak na matatanggap ng mga marino ang makatao at makatarungang legal assistance.

Upang mapalawak ang pagkakataon ng lahat na makamit ang katarungan, isinusulong ni Acidre ang pagtatatag ng Migrant Worker Relations Commission—isang panukalang quasi-judicial na ahensya na layong lutasin nang mabilis at patas ang mga reklamo sa paggawa.

Ipinahayag din niya ang kanyang buong suporta sa panukalang bagong charter ng Philippine Merchant Marine Academy (PMMA), na naglalayong itaas ang antas ng institusyon upang maiayon sa mga pandaigdigang pamantayan.

Binigyang-diin ni Acidre na ang pagsuporta sa mga marino ay hindi nagtatapos sa kanilang deployment lamang.

Mahalaga aniya na pagtuunan din ng pansin ang pangmatagalang reintegrasyon, kabilang ang pagbibigay ng suporta sa kabuhayan, edukasyon sa pananalapi at mga serbisyong pangkalusugang pangkaisipan.

Bilang bahagi ng layuning ito, inihayag niya ang paglulunsad ng mga Seafarer Hubs—mga pasilidad sa iba’t ibang pandaigdigang pantalan kung saan maaaring magpahinga, makipag-ugnayan muli at makakuha ng mahahalagang serbisyo ang mga marino.

Muling iginiit ni Acidre ang mas malalim na layunin ng Pilipinas sa pandaigdigang sektor ng maritima.

“Because at the heart of all our programs is a conviction: The Philippines does not just export maritime labor. We cultivate maritime leadership,” pagtatapos ni Acidre.