Calendar

Paggamit ng ilegal na MC sa krimen matutuldukan ng bagong panuntunan
DAPAT tuldukan ang paggamit ng mga motorsiklo sa paggawa ng ilan sa mga krimen gamit ang hindi rehistradong motorsiklo sa mga kalsada.
Ito ang nilinaw ni Senador Joseph Victor “JV” Ejercito kung saan ay idinepensa niya na ang 20-araw na palugit sa pagrerehistro ng mga second-hand na motorsiklo sa ilalim ng Republic Act No. 12209 o Motorcycle Crime Prevention Act ay may layuning mapabilis ang pagtukoy sa mga may-ari at hadlangan ang paggamit ng mga hindi rehistradong sasakyan sa krimen.
Sa pagharap niya sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services ngayong Mayo 27, iginiit ni Ejercito na ang bagong panuntunan ay hindi dagdag na pasanin kundi pagpapatibay sa umiiral nang batas.
“There was misinformation, there was an uproar from the riding community. They thought this (RA 12209) will be an additional burden, but they didn’t know that this was already in the old laws,” ani Ejercito.
Sa ilalim ng batas, kailangang mairehistro sa Land Transportation Office (LTO) ang biniling second-hand na motorsiklo sa loob ng 20 araw na may pasok mula sa petsa ng bilihan. Layon nito na magkaroon ng malinaw at napapanahong talaan ng pagmamay-ari na makatutulong sa mas mabilis na imbestigasyon kapag may kinasasangkutang krimen.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), maraming motorsiklo na sangkot sa mga kasong gaya ng pagnanakaw at pamamaril ang hindi rehistrado o may mali sa dokumento, dahilan upang mahirapan ang mga imbestigador. Sa bagong panuntunan, mababawasan ang ganitong “window of anonymity.”
Upang mapadali ang proseso para sa mga motorista, sinabi ni Ejercito na isinasaayos na ang digital services at tulong ng iba’t ibang ahensya.
“Now we are fixing it with the (Land Transportation Office) amnesty and online services, and with the (PNP-Highway Patrol Group) one-stop shop, the records will be cleaned up, and in the long run, the hassle will be reduced for the good of everybody,” dagdag pa niya.
May inisyatibo na ang LTO na nagpapahintulot sa online registration at paglilinis ng rekord, habang may amnesty program ding ipinatutupad upang matulungan ang mga may-ari na itama ang dokumento nang walang agarang parusa. Kasabay nito, ang PNP–Highway Patrol Group ay nagpatupad ng mga mekanismo para mapabilis ang beripikasyon ng papeles.
Itinutulak din ng batas ang mas mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan upang maging mas episyente ang pagsubaybay sa pagmamay-ari ng mga sasakyan.
“What we need is what will be beneficial for the entire society,” ani Ejercito, binigyang-diin ang layunin nitong maprotektahan ang publiko laban sa mga kriminal na pagsasamantala sa mga butas ng sistema.
Nagsimula na rin ang mga kampanya ng pamahalaan upang ipabatid sa publiko, partikular sa mga motorcycle riders, kung paano susunod sa bagong patakaran at maiwasan ang kalituhan.