Vice President Sara Duterte Vice President Sara Duterte

Abante: Huwag ibase pulso ng publiko sa impeachment surveys

42 Views

NAGBABALA ang bagong talagang tagapagsalita ng Kamara de Representantes na si Atty. Priscilla Marie “Princess” Abante laban sa labis na pagtitiwala sa resulta ng mga survey sa mga isyung pampulitika, gaya ng nakaambang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.

“Siguro kung meron tayo natutunan ngayong eleksiyon ay hindi naging tugma ang mga naging datos ng mga survey prior to elections doon sa actual na resulta,” pahayag ni Abante sa isang panayam kaugnay ng survey ng Pulse Asia na nagpapakitang 50 porsiyento ng mga sumagot ay tutol sa pagsasampa ng impeachment complaint.

Binigyang-diin niya na ang resulta ng 2025 senatorial elections pa lamang ay dapat magsilbing paalala sa publiko na huwag basta-basta ituring na totoo ang mga survey.

“May mga nakita tayong consistent na nasa winning circle sa surveys all throughout the campaign period na hindi natin nakitang nagtagumpay,” aniya.

Kasabay nito, binanggit niya ang pag-usbong ng mga kandidatong nanalo sa kabila ng halos wala silang presensya sa pre-election surveys, na aniya’y dapat magmulat sa mga naniniwala agad sa datos ng survey.

“Merong mga surprise victors na hindi rin lumalabas sa mga surveys,” dagdag ni Abante.

Kabilang sa mga kandidatong palaging itinuturing na panalo sa mga survey ngunit hindi nakapasok sa Senado ay sina Ben Tulfo, Willie Revillame, Abby Binay at Bong Revilla.

Sa kabilang banda, sina Bam Aquino, Kiko Pangilinan, Rodante Marcoleta at Imee Marcos—na hindi nanguna sa mga survey—ang siyang nagwagi sa aktwal na halalan.

Bilang tagapagsalita ng Kamara, binigyang-diin ni Abante ang kahalagahan ng direktang pakikinig sa mamamayan sa halip na umasa lang sa mga estadistikang representasyon.

“So I would be very careful in reading too much right now on the surveys,” aniya.

Ayon kay Abante, kailangang lumampas ang mga mambabatas at pinunong pampulitika sa simpleng interpretasyon ng datos at matutong makipag-ugnayan nang mas malalim sa kanilang mga nasasakupan.

“We need to understand not just ano ‘yung pakiramdam ng mamamayan ayon sa survey pero mas kailangan bumaba tayo sa tao para mas maintindihan ano ‘yung talagang totoong pangangailangan nila,” aniya.

Paliwanag ni Abante, mas kumplikado ang damdamin ng publiko kaysa sa kayang ipakita ng datos ng survey, at madalas ay hindi nasasalamin sa mga numero ang tunay na prayoridad at alalahanin ng mga botante.

“Hindi lang ayon sa mga samples ng data na nakukuha natin,” dagdag pa niya.