Calendar

Impeachment prosecutor sa Pulse Asia survey na nagsasabing 50% ang tutol sa pagpapatalsik kay VP Sara: ‘Tanggapin nang may pag-aalinlangan’
HINDI ikinabahala ni 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez ang resulta ng survey ng Pulse Asia kung saan 50 porsiyento ang nagsabi na hindi sila pabor sa paghahain ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
“In relation to the prosecution, personally, I can’t speak for everyone else, but we have to take it with a grain of salt,” ani Gutierrez, miyembro ng House prosecution panel sa impeachment trial ni Duterte.
“Nakita rin po natin kung anong resulta ng survey sa ating senatorial election. Surprise No. 2 Sen. [Bam] Aquino and we also have Sen. [Kiko] Pangilinan, among others, so iyon, I really take surveys with a pinch of salt right now,” dagdag pa niya.
Tinukoy ni Gutierrez ang pagkabigo ng mga survey na makita ang panalo sa May 2025 elections nina dating Senador Bam Aquino at Kiko Pangilinan, samantalang hindi nanalo ang mga consistent na nasa winning circle ng mga survey.
Sa Pulse Asia “Pulso ng Bayan” survey na isinagawa mula Mayo 6 hanggang 9 sa 1,200 rehistradong botante, 50 porsiyento ang tumutol sa paghahain ng impeachment complaint, 28 porsiyento ang pumabor at 21 porsiyento ang hindi tiyak. Ang survey ay may ±2.8 percentage point margin of error.
Nang tanungin kung naapektuhan ng bagong datos ang kanyang tiwala sa mga survey—lalo na’t ginamit din niya ang sigaw ng publiko bilang bahagi ng basehan sa impeachment—aminado si Gutierrez sa pagbabago ng pananaw.
“Prior to the elections, I did believe in surveys, but after the election, we saw the results—doon po tayo nagkakaroon ng, you know,” ani niya.
Nang tanungin kung binago ng mga natuklasan ang kanyang pananaw, tugon niya: “Personally, yes.”
Gayunman, nilinaw ni Gutierrez na hindi niya kinukuwestyon ang integridad ng Pulse Asia.
“I won’t say biased. Supposedly there is some statistical reasoning behind it,” aniya.
Sa kabila ng resulta ng survey na nagpapakitang mas maraming Pilipino ang tutol sa impeachment, giit ni Gutierrez na hindi magbabago ang mandato ng prosecution panel: ang ihain ang ebidensiya at patunayan ang kaso sa impeachment court ng Senado.
Si Pangalawang Pangulong Duterte ay in-impeach ng Kamara noong Pebrero 5, 2025, dahil sa mga sumusunod na paratang: culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, graft and corruption, at iba pang mabibigat na krimen.
Ang mga kaso ay kaugnay ng umano’y maling paggamit niya ng P612.5 milyon sa confidential funds—P500 milyon mula sa Office of the Vice President at P112.5 milyon mula sa Department of Education (DepEd)—habang siya ay sabay na nanunungkulan bilang VP at Kalihim ng Edukasyon.
Isinama rin sa reklamo ang kanyang pag-amin sa publiko hinggil sa umano’y balak na pagpatay kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez; panunuhol sa mga opisyal ng DepEd; hindi maipaliwanag na yaman; kakulangan sa pagdedeklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN); at umano’y koneksyon sa mga extrajudicial killing noong termino ng kanyang ama.
Ang Senado ay inaasahang magsisimula bilang impeachment court sa Hunyo 3, 2025. Kailangan ng two-thirds vote upang mapatalsik si Duterte sa kanyang puwesto.