BBM1

PH, Cambodia higit pang paiigtingin bilateral na kalakalan, kooperasyon

32 Views

NAGPAHAYAG sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Punong Ministro Hun Manet ng Cambodia ng kanilang matibay na pagkakaibigan at pagkakaisa sa layunin na higit pang paigtingin ang bilateral na kalakalan at kooperasyon sa mga pangunahing larangan ng kapwa interes.

Sa isang pagpupulong sa gilid ng 46th ASEAN Summit sa Kuala Lumpur, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pagbuti ng ugnayang pangkalakalan simula 2023, lalo na sa pagtaas ng export ng mga sasakyang gawa sa Pilipinas patungong Cambodia.

“Inaasahan kong maisusulong natin ang mga pag-uusap ukol sa kalakalan, pagtatanggol, at posibleng defense cooperation,” ani Pangulong Marcos, kasabay ng panawagan sa pagpapalawak ng kooperasyon para sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon.

Nagpasalamat naman si Prime Minister Hun Manet sa mainit na pagtanggap sa kanyang opisyal na pagbisita sa Pilipinas noong Pebrero 2025, at hinimok ang mga miyembro ng ASEAN na samantalahin ang mga bagong oportunidad sa gitna ng mga hamon sa pandaigdigang kalakalan.

“Napakaraming produkto kung saan makakakita tayo ng pag-uugnay at pagkakabagay bilang mga katuwang sa kalakalan,” ani Hun Manet.

Mula nang maitatag noong 1957, ang ugnayan ng Pilipinas at Cambodia ay patuloy na lumalalim, lalo na sa mga larangan ng kalakalan, turismo, edukasyon, at pagtatanggol. PCO