PCG Source: PTV

Barkong kalahok sa ‘Atin Ito’ sinundan ng 2 barko ng CCG

Zaida Delos Reyes May 27, 2025
32 Views

SINUNDAN ng dalawang barko ng China Coast Guard (CCG) ang training ship na T/S Kapitan Felix Oca na sinasakyan ng mga sibilyan na nakiisa sa paglalayag ng “Atin Ito” Coalition patungong Pag-asa Island sa West Philippine Sea (WPS) nitong Martes.

Paliwanag ni Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Philippine Navy para sa West Philippine Sea, karaniwan na ang presensya ng mga barko ng Chinese maritime militia at coast guard sa paligid ng Pag-asa Island dahil malapit lamang nito sa Subi Reef o Zamora Reef, isang low tide elevation na tinatayang nasa 16 milya lamang mula sa isla subalit pinalibutan at pinalakas na ng China ang presensiya ng miliar.

Ayon kay Trinidad, maagang naglaag ang grupo ng “Atin Ito Coalition” at sa huling ulat ng grupo ay sinusundan sila ng dalawangbarko ng China Coast Guard.

“The Atin Ito, they started sailing early this morning. The last report from the group was that they were being tailed by two Chinese Coast Guard vessels,” pahayag ni Trinidad.

Ayon sa ulat, habang naglalayag ang T/S Kapitan Felix Oca sa layong 54 nautical miles mula sa baybayin ng El Nido, Palawan, namataan ang CCG 3306 sa layong tatlong nautical miles, habang ang CCG 21549 ay anim na nautical miles ang layo.

Aniya, patungo ang barko sa Pag-asa Island para idaos ang makasaysayang sea concert na lalahukan ng mga lokal at internasyonal na artista na layuning igiit ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ayon kay Trinidad, nagkaroon din ng palitan ng radio challenge sa pagitan ng magkabilang panig.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Trinidad na handa ang Philippine Navy na tumugon sa anumang posibleng tensyon sa lugar sa pamamagitan ng Western Command (WesCom).

Kasama rin sa seguridad ang Philippine Coast Guard na nagpadala ng BRP Melchora Aquino at BRP Malapascua bilang escort ng barkong sibilyan.

“Ang Atin Ito ay isang inisyatiba ng civil society. Nakipag-ugnayan sila sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan bago isagawa ang aktibidad. Buo ang suporta namin — ng Philippine Navy, AFP, at iba pang maritime agencies — para sa kanilang layunin,” paliwanag ni Trinidad.

Bagama’t walang ipinakitang agresibong galaw ang mga barko ng China, iginiit ni Trinidad na hindi nito nabubura ang mas malawak na pattern ng agresyon at panggigipit ng Chinese Communist Party sa West Philippine Sea.